Showbiz News

Nora Aunor, inaming dumaan sa depresyon

By Jansen Ramos

Inamin ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor na nakaranas siya ng depresyon sa kabila ng kanyang kasikatan.

Sa loob ng limang dekada, dumaan siya sa napakaraming pagsubok pero nanatili pa rin siyang positibo na maitama ang kanyang mga pagkakamali. Isa na riyan ay ang pagkakasangkot niya sa ilegal na droga na naging sanhi ng hindi paggawad sa kanya ng titulong National Artist ng dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014.

“Well, siguro, dahil sa tagal ko na rin sa show business, umpisa pa lang nagkaroon na ko ng problema. So, ngayon pa ba naman ako susuko? Kailangan lumaban ka pa rin, kahit sinong tao may karapatang lumaban. ‘Di dapat sumuko ano mang bigat ng dinadala ng isang tao. Maitama ‘yung mga pagkakamali, may panahon pa naman, hangga’t buhay pa naman ang tao,” bahagi niya sa kanyang program contract signing sa GMA noong May 10.

Sinariwa pa ng Superstar na ang pagkawala ng kanyang ama ang sanhi ng kanyang pinakamatinding depresyon. Saad niya, “Nagkaroon ako ng depression nung nawala ‘yung tatay ko. Siya ‘yung unang nawala sa amin, mahal na mahal ko ‘yun.”

Hindi nagpakalunod si Nora sa kalungkutan dahil sa edad na 12 taong gulang pa lang ay natuto na siyang maging matatag para sa kanyang pamilya. 

“Ang nagpapatag po sa akin ay ‘yung kahirapan po namin dahil sa ako lang ang nagkaroon ng isip o plano na kailangang maiangat ‘yung pamilya ko sa kahirapan,” pagtatapos.