Showbiz News

Alden Richards, may mensahe para sa yumaong ina ngayong Mother's Day

By Bianca Geli

 

Marami ang naantig sa song number ni Pambansang Bae Alden Richards nang kumanta ito ng “I Will Be Here” at “Line to Heaven” na dedicated para sa yumao nitong ina na si Rosario Faulkerson.

Nagbigay rin si Alden ng mensahe tungkol sa ina. “Alam naman siguro ng lahat na mahal na mahal ko ang nanay ko. Pero minsan may mga taong nawawala sa buhay natin para ma-realize natin ‘yung worth nila. Siguro ‘yun ‘yung nangyari sa akin, after she left us…kulang pa ‘yung time.”

Dagdag niya, “I-cherish niyo po, ang susuwerte niyo po na mayroon pa kayong mga nanay. Kasi I lost my mom when I was 16 so hindi po naging madali ‘yung buhay namin. Pero lahat po ng meron ako ngayon siyempre para sa kaniya.”

Napaluha naman ang audience nang tanungin si Alden ng Dabarkads co-host na si Ryan Agoncillo ng, “If you had a line to heaven what would you like to say to Mommy?"

Ang sagot ni Alden, “Sabihin ko lang sa kaniya, uwi ka na, anytime basta uwi na siya.”

Ibinahagi rin ni Alden ang kaniyang mga simple ngunit masasayang alaala sa kaniyang Mommy Rio. “Mayroon akong favorite meal dati ‘eh. Kapag umuuwi ako galing eskuwela, lulutuan niya na ako niyan ng sinigang. Kapag may sinigang kami ibig sabihin maayos ‘yung sweldo ‘nun. Ibig sabihin hindi nabayad sa utang. Tapos lulunurin niya ‘yung kanin ko sa sabaw ng sinigang.”

"‘Yung mga ganun, ‘yung mga small things, that’s what really matters.”