Showbiz News

READ: Lolit Solis reacts to Kris Aquino-Mocha Uson feud

By Jansen Ramos

Hindi naiwasang magkomento ng batikang showbiz writer na si Lolit Solis sa kasalukuyang political at social issues sa bansa tulad ng alitan nina Queen of All Media Kris Aquino at Presidential Communications Assistant Secretary Margaux "Mocha" Uson.

Nag-ugat ang alitan ng dalawa noong ikinumpara ni Asec. Mocha sa kanyang blog ang paghalik ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Bea Kim, isang OFW na may asawa't anak sa South Korea, sa video ng yumaong senador na si Ninoy Aquino kung saan hinalikan ito ng dalawang babae. Kuha ito mula sa eroplanong lulan siya na naganap bago siya paslangin noong 1983.

Sa post ni Lolit, kinampihan niya si Kris dahil idinamay pa ni Asec. Mocha ang taong namatay na. Saad niya, "Iyong kay Kris, talaga namang masakit 'pag kasali ang mga mahal mo sa buhay. Iyong patay na, nasasali pa."


Nabanggit din ng showbiz writer ang word war nina Agot Isidro at Sen. Win Gatchalian matapos sabihin ng senador na walang malisya ang paghalik ng Pangulo sa babaeng OFW tulad ng ginagawa ng mga artista.

Pahayag ni Lolit, hindi naman daw dapat gawan ito ng isyu dahil pinahintulutan ito ng OFW.

"Iyong kay Agot at Win, usapan lang tungkol sa kissing scene na nangyari sa Korea kay Papa Digong at isang babaeng OFW. Ewan ko kung bakit naging issue eh kung tutuusin nakita naman na ang liga-ligaya nung babae na hinalikan. Hindi naman siguro moral issue ang usapan, para lang itong isang movie fan na nakipag-kiss sa idol nila. Nasa gitna ka ng malaking crowd gagawa ka ng palpak? Hindi naman siguro gagawin iyon ni Papa Digong. Madalas nangyayari iyan sa mga ganung okasyon na ginagawang biro ang pag-kiss, ang una dapat mag-reklamo iyong hinalikan, hindi iyong nanood lang. 'Pag one sided ka, at isa lang focus mo, siyempre lahat gagawin ng isang tao na ayaw mo at magiging mali sa tingin mo. Masyado nang division ang nagawa ng pulitika sa atin, either pro at con ka na lang, hindi mo na makita ibang side. At this point, kahit apolitical ka, hindi mo maiwasan magbigay ng opinyon, kasi kahit anong liit ng pangyayari, masyadong pinalalaki. Hay buhay, parang life, basta may masabi lang."