Showbiz News

EXCLUSIVE: Sino sa mga Ex Battalion members ang nagpundar ng makeup at clothing line?

By Aedrianne Acar

Hindi pa rin mapigilan ang patuloy na pagsikat nina Bosx1ne, Flow-G, King Badger, Emcee Rhenn, Skusta Clee at James Brando na miyembro ng hip-hop group na EX Battalion.

Matapos ang kanilang successful concert sa Ynares Sports Arena sa Pasig City last July 14, sobrang busy rin ang grupo sa kabi-kabila nilang mga gigs at guesting sa iba’t ibang Kapuso shows.

Kamakailan lang ay bumida ang Ex Battalion sa weekly-magical anthology na Daig Kayo Ng Lola Ko na humataw sa TV ratings.

Certified trending din online ang theme song na nilikha ng Ex Battalion para sa superhero/action series na Victor Magtanggol na may title na "Superhero Mo" na may mahigit 800,000 views sa YouTube.


Sa exclusive interview ng GMANetwork.com kina Flow-G at King Badger sa isang studio sa Makati, tinanong namin sila kung paano nila mina-manage ang kinikita nilang pera sa mga projects?

Aminado si Flow-G na iniipon lamang niya ang kaniyang income sa mga gigs dahil wala pa siyang time para mag-ayos ng gusto niyang investment o business.

Saad niya, “Hindi ko pa magamit ‘yung pera totally sa ganun, kasi sobrang dami pa nga. Baka 'pag sinabay mo sa ganun ‘yun masayang lang ‘yung i-invest mo sa trip mong business. Ipon lang nang ipon.

“'Pag medyo nakaluwagluwag na sa schedule magkakaroon ka ng konting time para diyan.”

Ni-reveal naman ni King Badger na katuwang niya ang kaniyang fiancée sa mga negosyo nila na isang makeup at clothing line.

Wika niya, “Ako naman po ‘yung fiancée ko ‘yung nagha-handle ng business namin. Mayroon kaming makeup line, well sa kaniya ‘yun kasi pangalan niya eh… Siya 'yung nagma-manage noon lahat-lahat.

“And ‘yung clothing line ko rin na dati pa, siya rin ang nagha-handle nun while I’m working. Siya naman ang nagha-handle nung business side.”

Dagdag pa ni King Badger na pangarap niya na makapagpundar ang bawat miyembro ng Ex Battalion dahil alam niya na hindi palaging may pumapasok na pera sa mga projects nila bilang grupo.  

“Importante sa akin na makapundar ang isa’t isa sa amin, gusto ko makita na like you said hindi naman habang buhay ‘yung araw-araw namin gigs na kikita ng ganito, so gusto ko makita sa isa’t isa na mayroon na silang napupundar, which is possible.”