Showbiz News

Jinkee Pacquiao, ninakawan ng alahas at pera ng kasambahay?

By Loretta Ramirez

Sa isang post sa Instagram, ikinuwento ng veteran showbiz reporter at talent manager na si Lolit Solis ang masamang balita tungkol kay Jinkee Pacquiao.

Ayon kay Nanay Lolit, ninakawan daw ng pera at alahas ang maybahay ni Sen. Manny Pacquiao ng kanyang personal assistant.

"Kaloka ang PA (personal assistant) ni Jinkee Pacquiao ha, na isinasama niya sa lahat ng lakad niya, binibili ng mga gamit at isasama pa sana sa lakad nila sa Amerika this October nang ma-discover nila na unti-unti na pala silang ninanakawan."

Ayon sa kuwento ni Nanay Lolit, sobrang na-depress si Jinkee sa nangyari dahil napalapit na ang loob nito sa nasabing PA, na minsan ay ipinakikilala pa niyang kamag-anak.

"Depress na depress si Mama Jinkee dahil buong-buo [ang] tiwala niya sa babae na taga-GenSan na kinuha niyang PA. Tuwang-tuwa siya na isinasama sa bible study, shopping, beauty parlor, binibili ng mga gamit para hindi naman mukhang PA 'pag kasama niya. Pakilala pa niya kung minsan kamag-anak. Ito ang tagabilang [ng] pera, tagatago [ng] alahas, buong-buo ang tiwala. Nung last trip nila sa Japan kasama pa niya. Pagbalik nila, natulala si Mama Jinkee nang makita ang mga nawawalang alahas at pera," pagpapatuloy ni Nanay Lolit.

Pinuri naman niya ang mga Pacquiao sa naging reaksiyon nila nang malamang niloko sila ng taong pinagkatiwalaan.

"Sa sobrang bait ng mga Pacquiao, sinabihan na lang na bumalik sa GenSan, hindi na kinasuhan at iniyakan na lang ni Mama Jinkee at tinanong 'bakit mo ginawa ito eh ang bait-bait namin sa iyo.' Hay naku, kasi nga siguro alam ni Mama Jinkee na babalik din lahat sa kanya ang ninakaw. Bait talaga mama Jinkee ko."