Showbiz News

Michael V, bakit pinili ang anak na si Brianna para kantahin ang 'Ayoko Na'

Proud daddy ang Kapuso comedy genius na si Michael V. sa kanyang anak na si Brianna Bunagan, lalo na at doing well online ang first single niya na 'Ayoko Na.'

READ: Michael V's daughter, Brianna enters the music scene via her single 'Ayoko Na'

Matatandaan na pumatok sa mga Kapuso ang kantang ito ni Brianna na featured sa hiwalayan scene nina Chito at Nikki sa sitcom na Pepito Manaloto. Ang Kapuso comedy genius mismo ang nag-compose ng 'Ayoko Na.'

Sa panayam ng entertainment press kay Michael V, pagkatapos ng mediacon ng Bubble Gang sa GMA Network, ikinuwento niya kung paano niya naisip na si Brianna ang kumanta ng heartbreak song na ito.

Kuwento ni Bitoy, “Nung una naisip namin ipakanta either kay Julie [Anne San Jose] or kay Jake [Vargas] 'yung song, kaya lang dapat maging neutral eh. So baka magkaroon ng bias kung isa sa kanila ang kakanta.”

Bilib din ang Pepito Manaloto creative director sa talent ng anak kaya niya naiisip na bagay sa kaniya ang kanta.

Paliwanag nito, “So ang ginawa namin, ako personally, alam ko magaling ang anak ko [laughs]. Stage father na stage father, pero hindi alam ko 'yung talent niya, bilib ako sa talent niya and I thought, sige subukan lang natin. Tingnan lang natin kung ano ang mangyayari.”

“So, nung ginawa ko 'yung song, nung sinulat ko 'yung kanta, ibinigay ko talaga dun sa boses niya.”

Heto na din daw ang blessing niya para sa anak na puwede na niyang pasukin ang mundo ng showbiz.

“Siguro, oo! Kasi nagti-theater art siya eh, so feeling ko eventually baka dun din ang gusto niya. This could be a step for her. This could be a small door na puwede niyang pasukin.

“Pero sa akin, talagang bilib ako sa talent niya. So I will continue making songs for her.”

Sa kabila ng pausbong na music career ni Brianna, binigyan diin pa rin niya sa anak na makatapos ito ng pag-aaral na aktibo rin sa teatro.

Aniya, “Nung first year oo, pero siyempre aral muna, academics muna. Maraming time for that, bata pa naman siya. Lagi namin sinasabi sa kaniya, there's always time for everything else if you want to do it, basta tapusin lang ang pag-aaral mo.”

Certified LSS ang single ni Brianna Bunagan na 'Ayoko Na' na available na sa music-streaming site na Spotify at iTunes.

Sa katunayan, umabot sa 12th spot ang kanta na ito sa iTunes Philippines charts.