Showbiz News

Vic Sotto on Maine Mendoza: 'Mahal na mahal na niya 'yung kaniyang trabaho'

By Aedrianne Acar

Nagsama-sama ang tatlo sa pinakamalalaking bituin sa showbiz para sa 2018 Metro Manila Film Festival entry na Jack Em Popoy: The Puliscredibles!

Pinangugunahan ito nina Bossing ng comedy na si Vic Sotto, Phenomenal Star Maine Mendoza, at action star na si Coco Martin.

Kaya naman hindi nakagugulat na dinagsa nang hindi baba sa 200 entertainment press ang grand media conference ng Jack Em Popoy ngayong Huwebes ng hapon sa Cities Events Place sa Quezon City.

Sa panel interview ng press kay Vic Sotto, todo ang papuri siya sa Eat Bulaga! dabarkad niyang si Maine, na nakikitaan raw niya ng malaking improvement simula nang pumasok sa showbiz noong 2015.

Wika ni Vic, “Matagal ko na 'tong katrabaho at maaganda naman sa kaniya nakikita ko 'yung development niya to be better sa kaniyang ginagawa.

“At nararamdaman ko talaga na mahal na mahal na niya 'yung kaniyang trabaho.”

Nakikita din ng Eat Bulaga! pioneer ang kagustuhan ng Phenomenal Star na pagbutihin ang kaniyang trabaho para sa kaniyang loyal fans.

“At nakikita ko 'yung hindi lang basta sikat ako,” dagdag ni Vic.

“Hindi ganun, e, 'yung gusto na niya ibalik sa kaniyang mga fans sa pamamagitan ng magandang proyekto.

“Enjoy 'yung mga fans niya na panoorin siya sa telebisyon.

“And this coming Christmas panoorin siya sa isang napakalaking pelikula.”

Sa parte naman ni Maine, aminado pa rin siya na hindi siya ganun kumportable hanggang sa ngayon sa larangan ng pag-arte.

Saad niya, “Hindi ko pa masasabi na sobrang kumportable, kasi hindi ko alam, parang ini-explore ko pa rin 'yung world of acting kasi since nag-start naman sa comedy parang ayoko din na ma-stuck doon lang.”

“Gusto ko din matuto ng iba, gusto ko rin maka-experience nang iba, nandun pa rin ako sa exploring stage kumbaga sa acting ngayon.

“And hindi ko masasabi na sobrang comfortable na ako and confident sa lahat ng ginagawa ko.”

Gayunman, sobra raw na-enjoy ni Maine ang paggawa ng Jack Em Popoy dahil first time niya mapasabak sa action scenes.

“Ako, lahat siyempre gusto ko i-improve lahat.

“Pero sa ngayon, nae-enjoy ko na dahil dito sa movie na maka-try ako nang iba like 'yung action na first time ko naman din gagawin, hindi lang 'yung puro paglukot ng mukha.”

“Gusto ko na rin hindi naman as in completely kumawala, parang gusto ko rin mayroon din ibang mai-offer,”

Nangako naman ang actor na si Coco Martin na kumpletos rekados ang ihahain nila sa mga Pinoy moviegoers ngayong Kapaskuhan.

Paliwanag niya, “Ang hinihiling ko lang makatrabaho ko si Bossing [Vic Sotto], pero ngayon ibinibigay pati si Maine [Mendoza], kaya kailangan natin pagbutin 'tong pelikula na 'to baka hindi na siya maulit pa.”

“Siguraduhin natin 'yung gagawin nating pelikula para pang pasko at para sa pamilya. Kaya sinigurado namin lahat kumpleto ito sa aksyon, drama, comedy, romance.”

Ang Jack Em Popoy ay dinirehe ni Mike Tuviera. Ito ay official entry ng CCM Film Productions, APT Productions, at MZET Productions sa 44th Metro Manila Film Festival.