Showbiz News

Ken Chan, pinakabagong artist ng GMA Music

Maganda ang simula ng taon para sa Kapuso actor na si Ken Chan dahil siya ang pinakabagong artist na pumirma ng recording contract sa GMA Music nitong Enero 8.

Ken Chan

Dumalo sa contract signing sina GMA Artist Center Assistant Vice President and Head for Talent Imaging and Marketing Unit Simoun Ferrer, Senior Talent Manager Tracy Garcia, GMA Music Managing Director Rene Salta, at GMA Music A&R Manager Kedy Sanchez.

Kasalukuyang pinagbibidahan ni Ken ang top-rating Afternoon Prime series na My Special Tatay, kaya naman masaya at overwhelmed siya sa bagong achievement na ito sa kanyang career, “Sobrang happy po ako dahil ang tagal ko nang wish na makasama sa GMA Music. Talagang nagpapasalamat po ako sa kanila dahil nagtiwala at patuloy silang nagtitiwala sa akin. Lahat ng pino-produce nila maganda kaya excited ako na makatrabaho sila.”

Masaya ring ibinalita ni Ken ang pagka-release ng una niyang kanta na pinamagatang 'Almusal', isang duet kasama ang Kapuso singer at on-screen partner niyang si Rita Daniela.

“Simple pero feel good 'yung music at relatable kasi 'di ba tayong mga Pinoy, mahilig tayo sa almusal. Tsaka kapag may sinusuyo tayo, 'di ba isa sa mga ginagawa natin ay pinaghahanda natin ng almusal. Nag-play na po sa Barangay LS 97.1 and sa RGMA provincial radio stations nationwide 'yung single, tapos nung una kong narinig sobrang sarap sa feeling na finally pinarinig na sa mga Kapuso natin yung single namin,” aniya.

Samantala, proud na ibinalita ng GMA Music Managing Director na si Rene Salta na marami silang nakahandang quality projects para kay Ken, “Happy ang GMA Music sa signing na ito especially with Ken Chan because he is one of the Network's most prized talents. In fact, meron na siyang naka-ready na next single, it's coming soon, and we're also looking forward to shooting the music video for that.”

Mapapakinggan ang 'Almusal' sa Spotify at i-download ito sa Apple Music, iTunes at iba pang digital stores worldwide simula January 15.