Showbiz News

WATCH: Seguridad sa LA mansion ni Manny Pacquiao, mahigpit pa rin

By Jansen Ramos

Mahigpit pa rin na ipinapatupad ang seguridad sa bahay ni Manny Pacquiao sa Los Angeles matapos looban habang siya ay nasa Las Vegas para sa kaniyang laban kay Adrien Broner.

Manny Pacquiao

Pacquiao's LA home broken into by burglars

Ayon sa live report ni Mariz Umali sa Unang Balita kaninang umaga, January 22, kumalap na ng finger print at kuha ng CCTV ang Los Angeles Police Department (LAPD) para sa imbestigasyon.

Nasa early stages of investigation pa lang ang LAPD sa ngayon at wala pa silang nakikitang motibo kung ito ba ay random na pagnanakaw lamang o sinadya dahil alam ng mga kawatan na si Pacquiao ang may-ari ng bahay.

Narito ang pahayag mula kay LAPD Detective III Mel Vergara:

"A lot of these guys don't really pay attention to the security system. It's being bold, you know. They're in perfect situation, they know who lives at the house and they know [Pacquiao's] status, they have pretty much a lot of intelligence."

Wala pa ring suspek na natutukoy at inaalam pa rin nila kung anu-ano ang mga nawawalang gamit.

Gayunman, ayon sa kamag-anak ni Pacquiao na si Lilia Lao, marami raw mga mamahaling sapatos at damit na hindi pa nagagamit ng boksingero ang nawawala.

May nawawala rin daw na laptop at iba pang mga gamit.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nanakawan ang mansyon ni Manny sa LA.

Una itong nilooban noong 2012 habang siya ay nagte-training sa ibang bansa.

Hindi na muna tumuloy sa nasabing bahay ang pamilya ni Pacquiao, maging ang Team Pacquiao, pagbalik nila galing Las Vegas noong Linggo, January 20 (US time), pagkatapos ng laban.

Sa halip, nakituloy na lamang muna sila sa kanilang kamag-anak sa Los Angeles.

Nakatakdang manood ng live na laban ng LA Lakers at Golden State Warriors si Manny sa Staples Center.

Bukas, January 22 (US time), naman ay tutulak siya sa Hong Kong para manoood ng basketball tournament ng kaniyang anak na si Jimuel.