Showbiz News

Higanteng Chinese fantasy na 'Fire of Eternal Love,' mapapanood na sa GMA ngayong January 28

By Marah Ruiz

Isang nag-aalab na telefantasya mula China ang parating sa GMA FantaSeries!

Ang Fire of Eternal Love ang isa sa pinakamalaking productions mula sa China noong 2018.

Kuwento ito ni Lie Ruge (Dilraba Dilmurat), ang tagapagmana ng Liehuo Pavilion. Palaisipan para sa kanya kung bakit siya hiniwalayan at tila ipinagpalit sa isang babae mula sa bahay-aliwan ng kanyang fiance na si Zhan Feng (Vin Zhang).

Kaya kahit tagapagmana ng isa sa pinakamakapangyarihang sekta ng martial arts, magtatrabaho siya sa bahay-aliwan bilang isang utusan para malaman kung ano ang naging pagkukulang niya sa kanyang fiance.

Ang hindi niya alam, malalim ang ugat ng galit ni Zhan Feng. May taong lumason sa kanyang isipan at pinalalabas na ang ama ni Lie Ruge ang pumatay sa ama ni Zhan Feng.

Buti na lang, lagi siyang ipinagtatanggol ng kababatang si Yu Zihan (Liu Ruilin), isang prinsipe na nanirahan sa Liehuo Pavilion para takasan ang pamumulitika sa palasyo.

Fire of Eternal Love

Bukod dito, makakahanap pa si Lie Ruge ng kakampi kay Yin Xue (Vic Zhou) na isang misteryosong lalaki mula sa bahay-aliwan.

Abangan ang fantasy action drama series na Fire of Eternal Love simula January 28, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 am sa GMA FantaSeries!