Showbiz News

READ: Aiai Delas Alas, sa paghawak ng bagong talent pagkatapos ng Ex Battalion: 'Ayaw ko na!'

By Nherz Almo

Parang mga anak na raw ang turing ni Aiai Delas Alas sa kaniyang mga talent, ang mga miyembro ng hip hop group na Ex Battalion.

Aiai Delas Alas

Ang Ex Battalion o Ex B ay binubuo nina Bosx1ne, Brando, Emcee Rhenn, Flow-G, King Badger, at Skusta Clee.

“Parang mga anak lang din na mga pasaway,” natatawang sabi ni Aiai nang makausap siya ng GMANetwork.com at iba pang reporters matapos siyang ipakilala bilang bagong celebrity endorser ng Siomai King kamakailan.

Hindi naman daw alintana ni Aiai ang paminsan-minsang pagiging pasaway ng mga miyembro ng Ex B.

“Sanay naman ako, nanay din naman ako.

“Parang mga anak ko lang din mga pasaway--tatalakan nang konti, lalambingin ng konti, uutu-utuin nang konti.

“Nakikinig naman sila, huwag lang topakin,' sabi ni Kapuso Comedy Queen.

Dahil tila gamay na niya ang pagma-manage ng mga talent, tinanong ng GMANetwork.com kung may balak pa siyang magdagdag ng bagong talent na aalagaan.

Agad siyang natawa at sumagot, “Ay hindi! Ayaw ko na! Ayaw ko muna, okay naman ako. Ayaw ko na, ayaw ko na ng stress.”

Pagkatapos ang seryoso niyang nabanggit na hindi na niya kaya ang magdagdag dahil abala rin siya sa kaniyang mga negosyo, bukod pa sa showbiz projects na kaniyang ginagawa.

“Okay na 'yon, Ex B na lang muna,” sabi ni Aiai.

“Ang dami ko rin inaasikaso. Paano ko maaasikaso 'yung mga negosyo ko kung magma-manage pa ako ng ibang tao bukod sa Ex B.

“Siguro tulong. May tinutulungan din akong girl group pero hindi 'yung full management.”

Samantala, excited na si Aiai sa unang movie project ng kaniyang mga alaga, ang pinagbibidahan niyang 'Sons of Nanay Sabel.'

“Excited sila sa movie nila. Actually, magaling sila doon,” proud na sinabi ni Aiai.

Dagdag pa niya, “Matutuwa ang fans nila kapag umaarte sila. At saka ang popogi naman nila sa screen.

“In fairness, cute naman sila sa screen. Si Mark [Maglasang a.k.a Bosx1ne], ang pogi-pogi, mukhang artista sa big screen.

“Yung dalawa ko kasing anak na maitim, parang hindi naman sila maitim sa screen.

“Nailawan naman nang maayos, medyo pumuti-puti naman.”

Ang Sons of Nanay Sabel ay mapapanood sa mga sinehan simula May 8.