Showbiz News

Bayani Casimiro Jr. o Prinsipe K ng 'Okay Ka, Fairy Ko!' nilinaw na hindi siya pulubi

By Marah Ruiz

Nakilala si Bayani Casimiro Jr. bilang ang tap-dancing fairy prince na si Prinsipe K sa hit sitcom na Okay Ka Fairy Ko noong dekada '90.

Bayani Casimiro Jr.


Kamakailan, kumalat ang isang social media post tungkol sa kanya na nagsasabing nakatambay at namamalimos na lang siya sa overpass malapit sa isang mall sa Parañaque.

Pinabulaanan naman ito ni Bayani at nilinaw na namamalagi lang daw talaga siya sa tindahan ng kaniyang kaibigan na dating mekaniko ng kanilang pamilya.

Inalala naman niya ang naging interaksiyon niya sa taong gumawa ng post tungkol sa kanya.

"She approached me. Nagulat ako. Sabi baka pwedeng magpa-picture kasi dati mo 'kong tagahanga. Paninira talaga. Nagtataka 'ko, hindi ko siya kakilala. Wala akong ginagawang masama sa kanya. Kung Good Samaritan ka, kailangan magpaalam ka muna doon sa taong gusto mong tulungan," kuwento ni Bayani.

Nang nilisan niya ang showbiz, nag-concentrate daw siya sa pagiging isang graphic artist after showbiz. Hindi rin daw siya nagpapapansin para muling makapasok sa industriya.

"I will not use people or any kind of person para ma-promote lang ako at makabalik ako sa showbiz," sagot niya.

Nais din daw niya ng apology mula sa taong nag-post at handa rin daw siyang maghain ng reklamo laban dito.

"Magpakita ka ulit doon sa ilalim ng overpass. Kakausapin kita. I will file [a case] as soon as possible, maybe cyberbullying or whatever, ganun. Medyo hindi na maganda eh," pahayag niya.

Panoorin ang buong ulat ni Rida Reyes para sa 24 Oras: