Showbiz News

GMA Network, hindi bibitaw sa pag-iimbestiga sa nangyari kay Eddie Garcia

By Michelle Caligan

Patuloy ang paghingi ng dasal ng pamilya at mga kaibigan ng aktor na si Eddie Garcia matapos siyang isugod sa ospital noong Sabado, June 8.

Eddie Garcia

Eddie Garcia 'in deep sleep' as of Sunday Bibeth Orteza

Ayon sa ulat ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong June 10, kasalukuyang nasa Intensive Care Unit (ICU) ng Makati Medical Center si Garcia.

Bumisita sina Phillip Salvador, Robin Padilla, at Senator-elect Bong Go, na matalik na kaibigan ng stepson ng aktor kagabi, June 9.

Ayon kay Go, isa si Garcia sa mga sumuporta sa kanya noong nakaraang eleksyon.

WATCH: Senator-elect Bong Go visits Eddie Garcia in the hospital

"Ipagdasal na lang po natin si Tito Eddie, at sana po ay humaba pa ang kanyang buhay.

“Sa ngayon po ay inaalagaan siya doon sa ICU.

“I'm not authorized to speak in behalf of the family.

"Sa lahat po ng fans ni Eddie Garcia, ipagdasal po natin siya na maka-recover po. Kasi po dasal ang pinakamalakas na panlaban sa kahit na anong sakit," pahayag ni Phillip.

Sinang-ayunan naman ito ni Robin, “Ang maitutulong po natin ngayon sa oras na 'to, mga dasal.

“Huwag na po muna tayong gumawa ng mga haka-haka."

Ayon sa doktor ni Garcia na si Dr. Enrique Lagman, hindi heart attack o stroke ang dahilan ng pagkakaospital ng aktor.

“Kritikal pa rin ang daw ang kanyang kondisyon matapos magtamo ng cervical fracture o bali sa leeg.”

Samantala, nagbigay naman ng pahayag si GMA Senior Vice President for Entertainment TV Lilybeth G. Rasonable, kasunod ng pahayag ng GMA Network na sinusuri na nito ang video kung saan makikita ang pagbagsak ni Garcia.

"I don't know how I can put into words kung ano 'yung bigat at 'yung lungkot na aming nararamdaman sa pangyayaring ito.

“Kasi hindi naman kaila sa lahat ng tao na matagal ring naging tahanan ni Tito Eddie ang GMA.

"Ang GMA ay fully committed to get to the bottom of this, kung ano ang buong pangyayari.

“Hindi kami bibitaw. Buong puso tayong makikipagtulungan sa pamilya sa abot ng ating makakaya para kay Tito Eddie,” pahayag ni Rasonable.

READ: GMA Network statement on medical issue about Eddie Garcia

READ: Official statement from GMA Network on Eddie Garcia