Showbiz News

Aira Bermudez on possible reunion concert of SexBomb Girls: 'Mangyayari yun.'

By Nherz Almo

“Mangyayari 'yun, hindi lang naming alam [kung kailan].”

Ito ang paniniguro ni Aira Bermudez sa much-awaited reunion concert ng all-female dance group na SexBomb Girls.

Ayon kay Aira, alam ng kanilang grupo na maraming tagahanga nila noon ang nagre-request ng reunion concert.

Balak sana nila itong gawin noong nakaraang taon, sabi ni Aira, “Kaso nabuntis si Rochelle [Pangilinan].”

IN PHOTOS: Rochelle Pangilinan and Arthur Solinap's daughter, Shiloh Jayne

Kasunod nito, ipinaliwanag ng dancer-actress ang isa sa matinding dahilan ng pagkakaudlot ng kanilang plano, “Maraming request pero ang problema yung time.

“Kasi, napakadaling mag-perform. Ang SexBomb, sa sobrang love naming mag-perform, kaya naming mag-rehearsal kahit parang one-day rehearsal para sa concert.

“Hindi sa ano pero sa totoo lang, ganun kami kasanay na sa isa't isa.

“Hindi na kami nahihirapang gumawa ng dance, kung paano mag-a-adjust sa isang performance.

“Ang problema namin, time, especially 'yung singers.

“Siyempre, kapag nag-concert may singers, kasi sila 'yung kumanta.

“Parang kahit ako, kapag kakanta sila, fan na fan pa rin ako ng SexBomb Singers, kahit backup dancer lang ako.

“Alam mo 'yon, ang sarap-sarap sayawin ng songs nila. Dapat kapag may concert, nandoon sila.”

Sa ngayon, pinaplano ng kanilang grupo na magkaroon ng concert sa 19th anniversary ngayon taon.

Subalit, aniya, “Nag-plan kami for 20th anniversary kaso parang short yung time to prepare.

“Pag-usapan namin. Kung hindi man matuloy with singers, pwede naman with dancers na lang, dance concert, para mapagbigyan yung mga fans.”

Taong 1999 nang ipakilala ang SexBomb Girls bilang backup dancers sa longest running noontime show na Eat Bulaga!

Ilan sa mga sumikat nilang novelty songs ay “Bakit Papa?,” “Di Ko Na Mapipigilan,” “Spaghetti Song,” at “Halukay Ube.”

LINK: LOOK: Original SexBomb girls hold first reunion and Christmas party

Bagamat ilang taon na ang nakalipas simula nang maghiwa-hiwalay na ang mga miyembro ng SexBomb Girls, marami pa rin ang nakakakilala sa kanila at kinakanta ang kanilang hit songs.

Nakatutuwa raw na kahit ang mga kabataan ngayon ay kilala ang SexBomb Girls.

“Amazing feeling,” sabi ni Aira nang makausap siya ng GMANetwork.com sa ginanap na Pop Star Search event ng online shopping platform na Shopee noong Sabado, July 6.

Patuloy niya, “Kasi, parang yung millennials nakakasabay pa rin, parang nakakatuwa lang.

“Like, kinumpara kami sa Blackpink… May gumawa ng videos, 'Bakit Papa?' pero yung [choreography] Blackpink.

“Bago naman nauso ang mga K-pop talaga, nandiyan na ang SexBomb, na gumagawa talaga ng masang music, talagang sumisikat.

“Nakakatuwa na until now, hindi kami nawawala sa limelight, sa pagsasayaw, sa showbiz, continuous pa rin.”

Ito raw ang nag-udyok kay Aira na bumuo ng mas batang grupo ng SexBomb dancers, na kilala ngayon bilang SexBomb New Gen.

Aniya, “Siyempre, sa experience ko sa SexBomb, nag-start ako na amateur 'tapos na-discover ako ni Ms. Joy [Cancio].

“Yung binigay kasi sa amin na knowledge ni Ate Joy as a performer ay masyadong malawak.

“Dahil sa mahal na mahal ko 'yung grupo… 'Di ba, na-disband kami--nag-asawa na 'yung iba, kanya-kanya nang buhay, 'yung iba nag-business.

“Ayaw ko na kalimutan lang ng mga tao 'yung SexBomb. I wanted to continue the legacy of SexBomb, that why we created SexBomb New Gen.”

Para naman sa aspiring dancers, payo ni Aira, “Continue lang nila kasi hindi natin masasabi yung suwerte mo sa pagsasayaw, e.

“Parang kami, lahat kami, 'yung pinanggalingan namin, 'yung iba naman hindi talaga dancer.

“Pero lahat naman, 'yung passion mo, 'yung minahal mo ang pagsasayaw mo, sobrang lawak ng mangyayari.

“Parang ako, I started as an amateur dancer. Then, pagpasok ko rito, naging lead agad ako ng dancers.

“Naging choreographer ako, pumasok ako sa pagma-manage, nagko-choreo rin ako ng mga Zumba. After that, nag-explore ako, nag-aral ako ng pang-circus type, pole dancing, aerial silk, na nagamit ko rin on TV.

“Nakakatuwa, 'di ba?

“Huwag lang sila mag-give up kasi hindi natin alam kung ano 'yung puwede mong marating sa pagsasayaw.

“Kasi ngayon, sobrang binibigyan na ng importansya ang dancing dito sa atin, nakakatuwa lang.

“Sana huwag lang silang bibitiw.

“Tulad kami, ilang dekada na rin kami pero nandito pa rin kami, kumekembot, 'di ba?”