Showbiz News

Ruru Madrid, pumirma ng recording deal sa GMA Music

Looking forward ang Kapuso heartthrob at sought-after leading man na si Ruru Madrid sa opisyal na pagsisimula ng kaniyang music career matapos pumirma ng kontrata sa GMA Music noong Hulyo 10.

Ruru Madrid

Dumalo sa contract signing sina GMA Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara, GMA Artist Center Senior Talent Manager Vic del Rosario, GMA Music Managing Director Rene Salta, at GMA Music A&R Manager Kedy Sanchez.

Bukod sa pag-arte, hilig din ni Ruru ang musika. Ibinahagi ng aktor na malaki ang naging impluwensya ng kaniyang pamilya sa interes niyang ito dahil karamihan sa kanila ay mga musikero.

“I am very happy. Ever since I started in show business, naging pangarap ko talaga magkaroon ng kanta. This is my first love and nakakataba ng puso na ngayon, magkakaroon na ako ng sariling mga kanta,” kuwento niya.

Nakatakdang maglabas ng dalawang single ang Sunday PinaSaya mainstay- ang 'Nawawala' na isinulat nina Kettle Mata, Roger Alcantara, at Enzo Villegas at ang 'Maghihintay' mula sa composer na si Mark Atienza.

Ibinahagi ni Ruru na naging emosyonal siya habang nirerecord ang mga kanta dahil isinasalamin nito ang mga pinagdadaanan ng isang tao, “Ngayon, alam ko na ang gusto ng mga Pinoy, 'yung mga may hugot na kanta dahil mararamdaman mo talaga 'yung emosyon. Parehong may hugot ang dalawang kantang ilalabas ko at habang kinakanta ko sila, naiiyak ako.”

Samantala, lubos na ipinagmamalaki ni GMA Music Managing Director Rene Salta ang Kapuso actor, “Malaki ang potensyal ni Ruru na maging kilalang singer that's why we are proud to welcome him in the GMA Music family. Bagay na bagay 'yung boses niya sa musika ng kaniyang henerasyon.”

(L-R) GMA Artist Center Senior Talent Manager Vic del Rosario, GMA Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara, Ruru Madrid, GMA Music Managing Director Rene Salta, and GMA Music A&R Manager Kedy Sanchez