Showbiz News

'Sexy Hipon' Herlene Budol, may pinaghahandaang bagong proyekto

By Nherz Almo

Ilang buwan pa lamang simula nang maging regular host si Helene Budol, o mas kilala bilang 'Sexy Hipon,' sa game show ni Willie Revillame na Wowowin.

Pero kapansin-pansin na nakakasabay na rin ang 19-year-old newbie host sa kanyang mga kasamahan, lalo na kay Willie.

Ayon kay Herlene, dala ng kanyang personalidad kaya parang hindi siya kinakabahan sa tuwing nagho-host.

“Kasi, ipinanganak akong walang hiya talaga,” pabirong sabi niya.

“Siguro, kakabahan ako, saglit lang. Kapag nandun ka na kasi sa mismong studio, kapag may nakikita kang sumasayang mga tao, ang saya mo na rin.

“Parang nakaka-overwhelm lang na, ako ba talaga ang nagpapasaya sa inyo?”

Nakausap ng GMANetwork.com si Herlene sa ginanap na contract signing event ni Willie para sa partnership niya sa Synergy 88 at August Media Holdings para sa development ng mobile game na “Wil2Play.” Kasama ni Willie ang kanyang 'Wowowin' co-hosts at ilang staff sa event na ito na ginanap sa Singapore noong Linggo, July 28.

Kahit nakikitang confident sa harap ng telebisyon, inamin ni “Sexy Hipon” Herlene na nakararamdam pa rin siya ng kaba sa tuwing magho-host.

Anya, “Hindi ko pa rin masasabing kumportable ako.

“Siyempre, iba-ibang araw 'yan, e.

“Iba-iba pa ring momento 'yan, may time na ang sarap dalhin ang pagko-co-host mo, may araw naman na parang lutang ka.

“Parang, 'Nandito na naman ako? Ano na naman ang sasabihin ko? Matatawa na naman ba sila sa akin? Anong joke na naman sasabihin ko?'

“Gusto kong marami pang matutunan.”

Habang ikinukuwento ang kanyang mga naging raket bago sumali sa 'Wil of Fortune' ng Wowowin, nabanggit ni Herlene ang isang bagong proyektong kanyang pinaghahandaan.

Sabi niya, “Wala akong talent, hindi ako marunong kumanta, sumayaw.

“Pero mayroon na akong darating na bagong kanta!”

Nang tanungin kung nakakakanta na siya, sagot ng Wowowin host, “Nakakakanta ako pero kung ano na ang boses ko, yun ang maririnig ninyo.”

Ayon kay Herlene, ang una niyang kanta ang likha ni Lito Camo. Siya ang sumulat ng hit novelty songs ni Willie tulad ng “Giling-Giling,” “Boom Tarat Tarat,” “Iyuyog Mo,” at iba pa.

Samantala, kahit unti-unti na siyang nakikilala sa publiko, hindi pa rin naiisip ni Herlene na pangmatagalan ang pagiging celebrity niya.

Sabi niya, “Ako, hindi naman. Kung alisin ako, okey lang kasi sanay naman ako sa hirap, e.

“Walang expectation. Don't expect too much.

“Kasi, siyempre, alangan namang umasa ako ng… feeling ko nga anytime puwede akong mawala.”

Biro pa niya, “Anytime puwede akong maging pritong hipon na lang.”

Sa huli, sinabi ni Herlene, “Basta kung ano ang gagawin sa akin ni God, yung na lang ang susundan kong yapak.”