Showbiz News

'KMJS': Isang misis, pinigilan ang kasal ng mister?

By Bianca Geli

Ang ibang eksena na akala nating sa mga pelikula at soap opera lang nangyayari, nagkakatotoo rin pala.

Isang misis ang naglakas-loob na pigilin ang kasal ng kaniyang dating mister.

Sa Lopez Jaena sa Misamis Occidental, nabulabog ang isang kasal ng biglang pumasok ang legal wife ng isang lalaki at inakusahan ang bride na kabit lang.

May mga anak na raw ang dating mag-asawa, ngunit iniwan na lang daw bigla ni mister si misis.

Ayon sa legal wife diumano na si Cleofe, taong 1999 daw ng ikinasal sina Cleofe at Jerry sa huwes. Seaman si Jerry at loan consultant naman si Cleofe. Nagkaroon sila ng mga anak.

Pero habang tumatagal, nakahalata na si Cleofe sa pagiging palakaibigan masyado ni Jerry sa mga babae. Hindi lang daw maiwan ni Cleofe si Jerry at natatakot din siyang iwan nito dahil kailangan niya ng sustento para sa kanilang mga anak. Pero dumating raw sa punto na iniwanan siya ni Jerry ng limang taon.

Kuwento ni Cleofe, “Hindi ko akalain na lolokohin niya ako at hindi siya magbibigay ng supporta sa mga anak namin. Napakasakit ng ginawa ng asawa ko. Hanggang ngayon hindi ko matanggap pero kailangan maka-move on ako kasi 'yung asawa ko ayaw na niya sa akin.”

Dagdag ni Cleofe 'Yung anak ko tumawag, ikakasal na bukas si Papa. Ba't ganun, kasal pa kayo. Wala ka bang magagawa Ma?”

Kaya naman dali-daling hinanap ni Cleofe ang kasal, dala-dala ang mga dokumentong nagpapakitang kasal pa sila ni Jerry. Dumating nga si Cleofe sa kasal, at nang nagtanong na ang pari, kung may tututol sa kasal, hindi na siya nagatubiling sumagot.

Ano kaya ang nangyari kina Cleofe at Jerry? Matuloy pa kaya ang kasal? Panoorin!