Silipin ang ilang personalidad na nagsidalo at nag-iwan ng tatak dahil sa kanilang kasuotan sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang karaniwang payak manamit na Pangulo ay nakabihis ngayon para sa kanyang unang SONA. Nakasuot ng Barong Tagalog at itim na pantalon si President Rodrigo Duterte. Mapapansin pa rin ang kanyang trademark sa pananamit – ang nakatiklop na sleeves at nakabukas na butones malapit sa kwelyo.
Suot ang kanyang tatak na checkered polo, noong SONA 2015 ay nanood lamang si President Duterte habang nagtatalumpati ang dating Pangulong Benigno Aquino III sa telebisyon. Ngayong taon, sa kanya na nakatutok ang atensyon ng sambayanang Pilipino para sa kanyang unang SONA.
Kasama ni Vice President Leni Robredo ang kanyang tatlong anak sa unang SONA ni President Duterte. Terno ang mag-iina sa kanilang suot na Filipiniana.
Noong SONA 2015, nagsuot si Senator Chiz Escudero ng barong na dinisenyo ni Paul Cabral habang likha naman ni Inno Sotto ang suot na Filipiniana ni Heart Evangelista.
Bago dumalo ng SONA ni Pangulong Duterte, sinamahan ni Heart ang kanyang asawa sa unang araw ng pagbubukas ng 17th Congress. Si Ivar Aseron ang nagdisenyo ng kanyang laced Filipiniana.
Muling nagbihis si Heart sa kanilang pag-attend ng SONA ngayong taon. Ang napili niyang isuot ay isang off-the-rack ensemble na gawa ni Massimo Dutti.
Isang Filipinianang gawa ni Francis Libiran ang itinerno ni Jinkee Pacquiao sa Barong Tagalog ng kanyang mister na si Manny Pacquiao noong 2015.
Sa pagdalo ng mag-asawang Pacquiao sa pagbubukas ng unang regular session ng 17th Congress, tradisyonal muli ang kanilang gayak. Ang terno ni Jinkee ay gawa ni Inno Sotto habang si Francis Libiran ang may likha ng barong ni Senator Manny.
Si Gwyneth Dorado ang kumanta ng Pambansang awit noong nakaraang SONA. Nakabihis ang ‘Asia’s Got Talent’ finalist ng dilaw na Terno.
Sa unang SONA naman ni Pangulong Duterte ay inimbitahan ang kanyang kapwa-Minadanaon na si Bayang Barrios para manguna sa pagkanta ng ‘Lupang Hinirang.’ Ang kanyang pananamit ay pagbibigay-pugay sa kanyang pinagmulan, ang pagiging isang Manobo.
Muling suot ng dating Pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang neck brace sa kanyang pagdalo ng unang araw ng 17th congress at unang SONA ni President Duterte.
Present din sa unang SONA ni President Duterte si Dina Bonnevie para sa kanyang asawa na si Congressman Deogracias ‘DV’ Savellano. Ang kanyang simpleng asul na bistida ay napagara ng kanyang coat na gawa pa sa telang ipinagmamalaki ng mga Ilokano, ang Abel Iloko.
Simple ngunit elegante rin si Gretchen Barretto sa kanyang off-white and black Filipiniana-inspired na kasuotang gawa ni Inno Sotto.
Bagay kay Senator Nancy Binay ang itim na Filipiñiana na likha ni Randy Ortiz.
Si Congressman Alfred Vargas ay sinamahan ng kanyang may-bahay na si Yasmine na bihis sa isang Stephanie Tan creation.
Angat naman ang ganda ni Tootsie Angara sa kanyang berde na terno na gawa ni Rajo Laurel. Sinamahan niya ang kanyang mister na si Senator Sonny Angara sa unang SONA ni Pangulong Duterte.
Simpleng puting bistida na may gintong burda ang damit ni Grace Poe sa unang SONA ni President Duterte.
Maranao-inspired ang naging kasuotan ni Senator Loren Legarda sa kanyang pagdalo sa SONA ngayong taon.
Nakagayak sa kaftan na gawa sa Piña ang dating senadora na si Nikki Coseteng. Aniya, 25 taon na ang nakalipas mula nang gawin ni Patis Tesoro ang kanyang kasuotan.
Nakiisa rin sa pakiusap ni Pangulong Duterte na magsuot ng business attire ang mga reporters mula GMA.