Showbiz News

Super Tekla, gusto makapag-promote ng 'Kiko En Lala' sa 'Wowowin'

By Aedrianne Acar

Halo-halo ang emosyon ng fast-rising Kapuso comedian na si Super Tekla para sa debut film niyang Kiko En Lala, na ipalalabas na sa September 25.

Super Tekla

Todo ang suporta ng cast ng highly-anticipated comedy film of the year sa ginanap na grand media conference sa GMA Network center ngayong Martes ng hapon, September 17.

Dinaluhan ito ng co-stars ni Super Tekla na sina Kim Domingo, Derrick Monasterio, Jo Berry, at Divine Tetay.

Present din sa grand media conference Kiko En Lala sina First Vice President for Program Management Joey Abacan at Vice President for Corporate Affairs and Communications Angel Javier Cruz.

Sa panayam ni GMA showbiz reporter Nelson Canlas kay Super Tekla, sinabi niya na kahit siya mismo nagpapalengke tour para ma-promote ang kanyang upcoming film.

“Sobrang kinakabahan, talagang sobrang excited!

“Halo lahat ng emosyon ko ngayon habang palapit ng palapit 'yung showing.

“Pero, siyempre, nandun 'yung kapit ko sa dasal kasi, siyempre, bigyan tayo ng magandang panahon 'tapos may rason lumabas 'yung mga Kapuso natin para manood ng pelikula.

“Sobrang nag-e-effort ako, sumusuyod ako sa palengke.

“Hindi alam ng manager ko ito nagti-take ako ng group videos, kinakamayan ko [yung mga tao]… In my own little way binubugbog ko 'yung promotion.”

Hangad din ng Kapuso comedian na makapag-promote sa dating programang kinabibiliangan niya, ang Wowowin, at makuha ang basbas ni Willie Revillame.

“Dream come true po 'yun,” sabi ni Super Tekla.

“Kumbaga, isang malaking factor si Kuya Wil kung babasbasan niya itong movie ko parang half of my kaba mawawala.

“Nagpaparamdam ako, humahanap lang ako ng tiyempo kasi 'pag once maka-tiyempo ako, hindi ako magdadalawang-isip.

“Kumbaga, kung ang call time, aagahan ko [talaga] kahit hindi na ako matulog.”

Makakasama din ni Super Tekla sa Kiko En Lala sina Kiray Celis at si Comedy Concert Queen Aiai Delas Alas, na may special participation sa pelikula.

Samantala, tinanong ng entertainment media ang multi-awarded director na si Adolfo Alix Jr. para bigyan linaw kung bakit nalipat ang playdate ng Kiko En Lala.

Ayon kay Direk Alix, may mga ilang detalye sila sa pelikula na gusto nila ayusin, lalo na sa parte ng special effects dahil kambal tuko dito ang karakter ni Super Tekla.

“Nung ginawa po kasi siya, 'tapos pinanood namin, una po inayos nila 'yung playdate kasi alam ko gusto nila, siyempre, magandang playdate para dun sa pelikula,

“'Tapos pangalawa po, may mga effects, 'yung effects po kasi nung unang tiniyempo 'tapos inayos parang sabi namin baka sayang naman kung medyo bibilisan 'tsaka mamadaliin.

“So, sabi namin nung kinausap ko sila, kung puwede ayusin natin 'yung effects.

“'Tapos may rule po ata 'yung booking na parang two months, kung may bago kang playdate kailangan yata mag-defer ka muna yata ng two months.

“So, kaya po naghintay po kami ng bagong playdate base po dun sa nauna para wala po kami masyadong kasabay.

“Kasi, di ba po, ngayon medyo mahirap din kasi may kasabay kami na foreign films.”