Showbiz News

Miriam Quiambao, may payo kay Gazini Ganados

By Jansen Ramos

Nagbigay ng mensahe si Miss Universe 1999 1st runner-up Miriam Quimbao kay Gazini Ganados, ang pambato ng bansa sa Miss Universe 2019 na gaganapin sa December 8 sa Perry Studios sa Atlanta, Georgia sa US.

Ayon kay Miriam, walang rason para kabahan si Gazini dahil kumpleto siya sa training na inilunsad ng kanyang team sa pamumuno ng pageant mentor na si Jonas Gaffud at ng Binibining Pilipinas Charities, Inc.

"Si Gazini, dumaan siya ng training. May inihanda 'yung mga trainors n'ya. Inihanda siya para sa Binibining Pilipinas kaya I'm sure marami siyang pinagdaanang training sa pamamagitan ng Binibing Pilipinas, under their umbrella," pahayag ni Miriam sa panayam ng GMA entertainment reporters sa isang product launch event na ginanap noong Martes, November 19, sa BGC.

Para kay Miriam, ang pagsali sa international pageants ay mas malalim na dahilan kaya pinayuhan niya si Gazini na pagtuunan ang kanyang purpose sa pagsabak sa Miss Universe.

Pahayag ng dating beauty queen, "Ang advice ko sa kanya mag-focus siya sa purpose ng Panginoon para sa kanya dahil nilagay siya sa platform na iyan para sa isang layunin. 'Di ko alam kung para saan 'yon. Diyos lamang ang nakakalam no'n, malamang kahit papa'no alam na ni Gazini 'yon."

Ani pa ni Miriam, dapat manatili sa isip ni Gazini kung ano ang kanyang layunin sa pagsali sa Miss Universe maiuwi man o hindi ang korona.

"Kahit sa'n man siya umabot, manalo man siya o hindi, sana 'yung purpose ng Panginoon ay laging nasa isip n'ya dahil maiuwi man [o hindi] ang korona, ang layunin ng Panginoon hindi mawawala. Kung maiuwi niya ang korona, maging pang limang Miss Universe natin, e 'di good, mas malaki ang platform.

"So focus on God's purpose for you. Always think about it and it will be much more fulfilling and meaningful because of it."

WATCH: Bb. Pilipinas queens, binigyan ng send-off party bago lumaban sa iba't ibang international pageants

WATCH: Catriona Gray is hopeful for a back-to-back PH win in Miss Universe