Showbiz News

Alden Richards, Dingdong Dantes, at Michael V., todo ang performance sa sold out concert ni Betong Sumaya

By Aedrianne Acar

Sinigurado ni Kapuso comedian Betong Sumaya na hitik sa bigating stars ang first-ever concert niya na ginanap sa Music Museum kagabi, November 21.

Nagsilbi itong birthday and thanksgiving event ng grand winner ng Survivor Philippines: Celebrity Doubles Showdown.

Bukod sa certified sold out ang concert niya na Try Ko Lang Ha: Betong's Amazing Concert, bumaha din ng A-list celebrities na nag-perform tulad nina Asia's Multimedia star Alden Richards, Kapuso Primetime king Dingdong Dantes, Broadway superstar Aicelle Santos, at multi-awarded comedian na si Michael V.

Humataw sa sayawan sina Alden at Dingdong, na itinuturing na close friend ang magaling na Kapuso comedian.

Betong Sumaya, napatunayan ang kabaitan ni Alden Richards

Sa birthday message ni Alden, pinuri nito si Betong dahil sa tagal ng kanilang pinagsamahan ay wala daw itong pinagbago.

Ani Alden, “Si Betong po ang madalas kong kasama sa mga international shows po na ginagawa namin abroad sa GMA Pinoy TV. Ang masasabi ko lang po talaga dito, sincere na tao itong si Betong.

"Kahit minsan marami 'yung mga humahamak sa kanya, doon ka na lang ilalagay. Parang hindi niya deserve 'yun kasi mabuting tao ito.

“Kilala ko 'to and ang tagal namin makatrabaho, ang tagal ko na siyang kasama. Walang pinagbago 'yung kabutihan niya ng puso.

"So huwag mong sayangin 'yung kabutihan ng puso na 'yan kahit ano pang sabihin ng ibang tao sa 'yo. Kasi 'yun 'yung puwede mong ipagmalaki sa lahat. Happy birthday.”

Matapos ang special dance number ni Dingdong kasama ang former Survivor Philippines contestants na sina Maey Bautista, Chuckie Dreyfus, Arthur Solinap, at Carlo Gonzalez, inalala nito ang pinagsamahan nila sa primetime soap na Genesis.

Ayon kay Dong, tinuturi niyang 'forever friend' si Betong.

“Si Betong kumakain pa po kami ng isaw sa UP, isa po naming paboritong puntahan doon, yes!

“And then alam ko, lahat naman tayo, kung gaano siya kagaling sumayaw at kumanta. Pero noong una kami magsama sa Genesis doon niya naipakita 'yung galing niya sa drama kaya all around, my friend. Forever my friend, happy birthday. So proud of you,” pagtatapos ng Kapuso actor.

Hindi rin mawawala ang all-out tawanan sa Betong's Amazing Concert. May ginawang special sketch si Betong kung saan gumanap siya bilang si Antonietta at nakipagsabayan din sa tarayan ang award-winning Bubble Gang star na si Michael V. na nag-transform bilang si Amponietta.

Betong Sumaya, umaming na-stress nang ibinigay ang role na Antonietta sa kanya

Aliw din ang duet nila bilang Antonietta at Amponietta habang kumanta ng hit single ng Pussycat Dolls na 'Don't Cha.'

Matapos ang kanilang performance, taos-pusong nagpasalamat si Betong kay Michael V.

Saad niya, “On a personal level po, talaga sobrang talaga 'yung pasasalamat ko kay Kuya Bitoy kasi talagang hindi po maramot po kasi itong tao po na ito, sobrang generous po.

“Guys, talagang itong pong Antonietta po na role ay talagang ipinagkatiwala po sa akin, and Kuya Bitoy, maraming salamat po.

“And alam niyo po ba guys ang first sketch ko sa Bubble Gang ay si Kuya Bitoy sa Mr. Assimo.”

Makalaglang panga din ang vocal prowess ng Kapuso singers sa concert tulad na lang nina Aicelle Santos, Maricris Garcia, at Anthony Rosaldo.

Guest din sa sold out concert na ito sina Valeen Monetengro, Chariz Solomon, Lovely Abella, Miguel Tanfelix, at Michael Angelo.