Showbiz News

Jose Manalo, first time maging kontrabida kay Vic Sotto sa MMFF 2019

By Aedrianne Acar

Magkahalong tuwa at kaba raw ang naramdaman ni Jose Manalo nang malamang magiging kontrabida siya sa karakter ni Vic Sotto sa Metro Manila Film Festival movie na Mission Unstapabol: The Don Identity.

Jose Manalo

Ito ang unang pagkakataon na hindi siya gaganap na sidekick ni Bossing.

Kaya naman inilarawan niya ang kanyang pagganap sa karakter na challenging.

Ani Jose, “Kagaya nga ng sinabi ni Direk Mike [Tuviera], si Bossing gusto maiba, e.

"Maiba naman 'yung atake, maiba naman 'yung character.

“Tapos malaking challenge lang talaga 'yung nangyari. Nasanay ako na laging nakatabi kay Bossing, mayroon kaming routine.

"This time kasi pagkaharap ko siya, hindi ko alam kung ano 'yung adjustment na gagawin ko.

“Ganun din naman si Direk Mike hindi niya pinapakawalaan 'yung character ko, e.

"At kapag lumalabas doon sa character ko yung nagpapatawa na ako, hini-hold niya 'yun."

Dagdag din sa challenge, sabi ni Jose, ang pagkasanay niya bilang sidekick ni Vic.

"Malaking challange para sa akin kung ano ba ang gagawin ko, ano ba ang reaksiyon na gagawin ko.

"Nasanay ako na kapag natinginan kami ni Bossing, may punchline na.

"Ngayon, hindi, iniisip ko kung papaano ba siya mag-iisip, papaano ko ba madadala 'yong character.

"Mahirap, mahirap 'yong role ko, pinag-aralan ko. Dati, hindi naman ako masyadong nag-aaral, di ba?

"Pero ngayon, talagang kinakausap ko yung sarili ko sa salamin kung tama ba ang reaksiyon ko, yung mabibigay ko."

Gayunman, ikinatutuwa ni Jose ang bagong challenge na ito.

"Maganda rin yung ibinigay sa akin, sa aming lahat, sa character namin kasi iba lahat, bago.

"Natuwa ako, kinabahan ako na baka hindi ko magawa. Kasi si Bossing 'tapos ako yung kontrabida, 'Kakayanin ko ba?'"

Pasado naman kaya kay Vic ang performance ni Jose sa Mission Unstapabol?

Pabirong sagot niya, "Masasabi ko naman, after watching the finished product, napag-deliver naman si Jose.

Effective siya kasi noong pinapanood ko, nabuwisit ako. Actually, hanggang ngayon, nabubwisit ako, e. Tuwing makikita ko, naaalibadbaran ako, e, effective talaga.

"Kahit ako, noong sinasabi nila na kontrabida si Jose, 'Parang mahirap 'yon, ah.'

"Pero with the guidance of our director, e, sa tingin ko naman... the children are our future."

Ayain ang buong pamilya at manood ng Mission Unstapabol: The Don Identity na magsisimulang ipalabas ngayong Pasko!