Showbiz News

WATCH: Mamu, may iba pang nakakakilabot na prediksyong ibinahagi sa KMJS

By Dianara Alegre

April 29, 2019 nang itampok si Hayi “Mamu” Cruz, ang umano'y may espesyal na kakayahang makakita ng mga mangyayari sa hinaharap, sa top-rating na Kapuso magazine show na Kapuso Mo, Jessica Soho.

Tinampok si Mamu sa KJMS matapos niya umanong mahulaan ang naganap na 6.1 magnitude na lindol sa Luzon.

Sa pagtatapos ng nasabing 2019 interview, nagbigay ng isa pang prediksyon si Mamu - may nakaambang kalamidad sa Pilipinas sa pagsapit ng 2020.

“May posibilidad na may isa pang bulkan na natutulog ang muling gigising, ang Mt. Taal at Mt. Pinatubo,” pahayag ni Mamu sa nasabing interview.

Makalipas ang siyam na buwan, muling ginimbal ng kalamidad ang Pilipinas nang sumabog ang Bulkang Taal sa Batangas nitong January 12 na nagdulot ng matinding pinsala sa lalawigan maging sa mga kalapit-bayan at sa Metro Manila.

Kasunod nito, muling binalikan ng netizens at nag-viral pa ang naturang interview ni Mamu. Marami rin ang humingi ng tulong at gabay sa kanya.

Kaya naman kamakailan ay binalikan ng KMJS team si Mamu sa Cabanatuan upang muling makausap tungkol sa naganap na pagputok ng bulkan.

Aniya sa naganap na pagsabog ng Bulkang Taal: “Ito 'yung nahulaan ko, sabi ko na nga ba. Hindi naman ako nagkulang magbabala.”

Ayon pa kay Mamu, ang tumutulong umano sa kanyang makita ang mga pangitain ay si Marikit, ang diwatang bumubulong sa kanya.

“Kasama ko siya mula noon, edad ko is nine years old. Until now, magkasama pa din kami. Kahit anong sabihin niya, pinaniniwaalan ko,” aniya.

Dagdag pa niya, “Sa ilang taon na nagpe-predict ako, halos lahat, tumama. Siya ang gabay ko. Kahit siguro sabihin ng iba, ng mga makakarinig nito na para akong luka-luka, pero 'yon 'yung totoo.

“Nu'ng sinabi niya 'yung sa Taal, hindi ako nagduda kahit na napakatagal nga niyang natutulog,” lahad pa ni Mamu.

Sa pagtatapos ng interview, muling nagbahagi ng pangitaan at babala si Mamu tungkol sa mga haharapin pang delubyo ng bansa gaya ng paggising ng natutulog na bundok sa Davao, magnitude 7.9 na lindol sa silangang bahagi ng Pilipinas, rumaragasang putik na apektado ang Luzon at Visayas, at apat na bagyong maaaring manalasa sa bansa, kung saan dalawa rito ang puwedeng maging kasing mapaminsala ng Bagyong Yolanda.

Paanorin ang buong paglalahad ng KMJS sa espesyal na abilidad ni Mamu:

WATCH: Did Hayi "Mamu" Cruz predict the Taal Volcano eruption way back in 2019?

WATCH: Tourist captures video inside Taal Volcano minutes before the eruption