Showbiz News

WATCH: Ang istorya ng newlyweds na kinasal kasabay ng pag-sabog ng Taal

By Bianca Geli

Nagaalburoto man ang bulkang Taal, tuloy na tuloy pa rin ang kasal nina Kat at Chino Vaflor.

Isa sa top wedding destinations sa Pilipinas ang mga lugar sa paligid ng bulkang Taal.

Kaya naman dito naisipang magpakasal nina Kat at Chino Vaflor na labingtatlong taon ng magkarelasyon.

January 12, 2020 and araw ng kanilang kasal sa Alfonso, may isa pa palang malaking event ang kasabay nila sa petsang ito--ang nagbabadyang pagsabog ng Taal Volcano.

Nang magkaroon nang Alert Level 1 para sa eruption ng Taal, napadasal na lamang daw si Chino. Kuwento niya sa Kapuso Mo, Jessica Soho: “Lord, makapag-I do lang kami, okay na.”

Sinunod naman daw nina Kat at Chino lahat ng mga pamahiin para sa kasal maliban sa isa, ang hindi pagkikita ng bride at groom isang araw bago ang kasal. Magkatabi raw silang natulog noong gabi bago ang kasal nila.

Mula raw pag gising nila noong araw ng kasal, nagsunod-sunod na ang mga aberya.

Habang nangyayari ang kanilang wedding ceremony, pansin ng lahat ang kakaibang usok na nagmumula sa bulkang Taal.

Ayon sa wedding videographer na si Jose Nilo Mortel, “Lahat ng tao, masi-sense mo na may panic na 'eh.”

Ang nanay naman ni Chino na si Rosalina Vaflor, kampante na magiging maayos ang kasal ng anak.

Aniya, “May narinig talaga akong pumutok talaga. Ang akala ko 'yung speaker ng sound system. Hindi ko na inisip kung puputok siya o hindi ang gusto ko lang ma-enjoy 'yung kasal ng anak ko kasi ilang years naming hinintay ito.”

Kuwento naman ng bride na si kat, “Noong Alert Level 4 kailangan na talagang mag-evacuate, binigyan kami ng options, pero we had to sign a waiver, we decided to cut short the reception pero tuloy pa rin 'yung traditions. Nagkaroon pa rin kami ng cake-cutting, wine toasting, and 'yung pag-throw ng bouquet. Pero may mga tremors talaga.”

Paano kaya nila naitawid ang kanilang dream wedding na muntik ng maging bangungot?

Panoorin: