
Isang malaking parangal ang natanggap ni The Clash finalist Garrett Bolden sa ginanap na 11th PMPC Star Awards for Music sa SM City North EDSA kahapon, January 23.
Inuwi kasi ni Garrett ang parangal na New Male Recording Artist of the Year -- isa sa pinakamataas na parangal sa larangan ng musika sa gabing iyon.
Sa kanyang Instagram, ikinuwento ni Garrett ang napakaraming pagsubok na kanyang tinahak bago makarating sa estado ng kanyang career ngayon.
Aniya, “Dati, pangarap ko lang magkaroon ng sariling kanta. Naalala ko 'yung halos taon taon akong sumasali ng mga contest, audition dito, audition doon… samut saring kantyawan na 'ano ba 'yan, palagi ka na lang naga-audition pero 'di ka naman nananalo.
“'Di ko 'yun pinansin dahil [ang] nasa isip ko is magiging champion din ako. Naramdaman ko 'yun at 'yun ang pinaniniwalaan ko. Every year lagi akong may opportunity na napapasukan pero kadalasan lagi akong nare-reject, natatalo, nane-next time.”
Halos 11 taon na siyang natatalo sa mga singing contest kaya napagisipin na raw niya na sumuko noong taong 2018.
“Sa halos 11 years ko na pagsubok na makilala at makapamahagi ng aking talento ko, e, siguro, 'Tama na… suko na lang.”
Ngunit nagbago ang lahat nang sumali siya sa GMA singing competition na The Clash kung saan, ani ng 28-year-old singer ay “binago ng kompetisyon ang pananaw ko sa career na gusto kong makamit.”
“I worked so hard and made sure na lagi ko gagawin ang best ko. Natutunan ko na palagi tayong 'champion' in our own terms. We do our own paths, we fail, we face defeat, but we win with experience.”
Sa kanyang pagtanggap ng award, pinasalamatan niya ang Kapuso Network, ang kanyang pamilya, kaibigan sa loob at labas ng industriya, mga katrabo, at fans sa walang kupas na pagtitiwala sa kanya at kanyang talento.
Payo pa ni Garett sa mga taong katulad niya: “Your dreams and goals will never be impossible… Tiyaga lang at determination. You will get there.”
Mapapanood si Garrett tuwing Linggo sa All-Out Sundays.
LOOK: Kapuso stars, suportado ang debut single ni Garrett Bolden na “Lilipad na”