Showbiz News

Coney Reyes, aminadong tumanggi sa ilang projects

By Nherz Almo

Halos isang taon din ang lumipas simula nang huling mapanood sa telebisyon ang batikang aktres na si Coney Reyes.

Coney Reyes

Huli siyang napanood sa dating Kapuso fantasy series na Victor Magtanggol, na pinagbidahan ni Asia's Multimedia Star Alden Richards noong 2018.

Ayon kay Coney, sinadyang magpahinga muna sa pag-arte kaya hindi naiwasang tumanggi siya sa ilang acting projects noong nakaraang taon.

“Actually, 'yun nga, e, may mga offers talaga na natatanggihan ko kasi parang hindi pa ako ready,” sabi ni Coney sa panayam sa kanya ng GMANetwork.com at iba pang reporters sa press conference ng Love Of My Life noong Martes, January 28.

Patuloy niya, “Parang hindi pa tapos ang pahinga ko, ganun minsan.

“So, I'm very happy kasi, actually, both networks have been very kind to me.

“Both networks have been good to me, offering really, really good roles. At my age, I'm getting these [projects].

Inamin ni Coney na noon pa man ay may tinatanggihan na siyang proyekto dahil sa mas pinahahalagahan niya ang pagkakaroon ng pahinga.

Kuwento niya, “Minsan nga I have been turning down more than I have been accepting especially with the movies.

“Usually kasi, kapag may ginagawa akong teleserye, minsan, doon nagkakaroon ng offer na movie.

“Hindi ko kayang pagsabayin. Kahit na sabihing, 'Tita, MWF naman diyan, TTh naman dito.'

“Hindi ko na kaya 'yung ganun.

“Ayaw ko. I want to enjoy what I'm doing. Ayaw ko nang parang ngaragngaragan, 'di ba?”

Bukod sa pag-iwas sa burnout, iniiwasan din daw ni Coney na maapektuhan ang kanyang maibibigay sa trabaho dahil sa sobrang pagod.

“Lagi ko ngang sinasabi rin, 'Kapag tinanggap ko 'yan, 'tapos hindi ko naibigay yung full commitment, magagalit kayo sa akin.'

“So, sorry, ang dami kong natanggihang magagandang roles sa movies kasi nga, nagkakataon na mayroon akong ginagawang teleserye.”

Pabiro pang hirit ni Coney, “Or before, noong araw, I want to prioritize my children and my love life.”

Ngayon, aniya, mahirap na ang maging sobrang busy, ”Yung may daily show 'tapos aarte ka pa sa [movies]. Ngayon, mainly because of time. I want to rest. Ayaw ko 'yung every day na [trabaho].”

Ngayon 2020, nagbabalik si Coney sa pamamagitan ng bagong GMA Telebabad drama na Love Of My Life, kung saan makakasama niya sina Carla Abellana, Tom Rodriguez, Mikael Daez, at Rhian Ramos.

Maganda raw ang timing ng pagkaka-offer sa kanya ng programa dahil, “It came at a time when I was ready to go back to work.”

Dagdag pa ni Coney, “I was receiving offers kasi from both networks. Pero nagkataon na ready na ako, ito na.

“Kasi, noong time like noong kampanya, ayaw kong mag-work. 'Tapos sabi ko after oath-taking na, after ganito, after ganun. I just wanted to rest talaga.”

Ang tinutukoy ng aktres ay ang kampanya ng kanyang anak na si Vico Sotto para sa pagka-alkalde sa lungsod ng Pasig, na naipanalo niya noong 2019 local elections.

Patuloy ni Coney, “So, after noong naka-rest na ako, I was praying, 'Okay, Lord, if I have offers from both networks, kung sino ang mauna kung puwede na ako mag-work, yun ang gusto ko.'

“Biglang ito, at saka siguro the Lord wanted me to celebrate the 70 years with them.”

Ikinatutuwa ni Coney ang bagong proyekto dahil halos unang pagkakataon niyang makasama ang mga co-actor niya.

“It's always exciting working with a new team, with a new group.

“Siyempre, di ba, we're trying to get to know each other. I wouldn't say [kapaan] kasi professional naman lahat, magagaling naman lahat.

“Siguro nagtitimplahan lang para sa mga eksena, para sa ikagaganda ng eksena.

“Maganda kasi yung hindi kayo nag-aagawan, bigayan, tulungan,” pagtatapos ni Coney.

Abangan si Coney bilang Isabella, ina sa mga karakter nina Tom Rodriguez at Mikael Daez, sa Love Of My Life simula ngayong Lunes, February 3 sa GMA Telebabad.