
Nababalot sa takot ngayon ang mga residente ng Calatrava, Negros Occidental matapos mabalitang isang tatlong buwang sanggol ang namatay dahil kinagat umano ito ng aswang.
Anak ng mag-asawang sina Lyn Magbanua at Jobert Magbanua ang sanggol na umano'y binawian ng buhay dahil sa kagat ng aswang, si baby Line.
Ayon kay Jobert, nakita niyang may dugong tumulo sa leeg ni Line bago ito bawian ng buhay. Bukod dito, may kagat din umano sa braso ng sanggol na hugis ngipin.
Hanggang ngayon ay ipinagluluksa ng mag-asawa ang biglaang pagkamatay ni Line.
“Sobrang sakit, sa akin 'yan galing e. Siyam na buwan ko 'yan dalang-dala para lang lumabas siya. Kahit 'yung mister ko naguguluhan kasi hindi niya rin matanggap na wala na 'yung anak niya,” pahayag ni Lyn.
Nangyari raw ang lahat nito lang nakaraang linggo.
“Pagkauwi ko diyan sa amin, narinig ko 'yung anak kong umiiyak. Pinadede ko pa. Pagkatapos kong dumede, natulog siya,” kuwento ni Lyn.
Lumipas ang maghapon hanggang maggabi na payapang natutulog si Line pero nang sumapit ang 3:00 ng madaling araw ay nagising si Lyn dahil sa walang tigil nitong pag-iyak.
“Nagising ako kasi umiiyak siya. Tapos nu'ng umiyak siya, pinadede ko siya, at pagkatapos ng padede ko sa kanya, mahimbing na ang tulog niya, nag-cr ako.
“Ito namang mister ko, parang natingnan niya raw na bakit hindi na gumagalaw 'yung anak niya,” dagdag pa ni Lyn.
Pinilit pa umanong buhayin ni Jobert si Line sa pamamagitan ng pagsipsip sa ilong at bibig nito para makahinga ngunit wala ng buhay ang sanggol.
Nang pagmasdan nila si Line ay nakita nila ang dugo sa leeg nito na 'tila kinagat.
“Nagtataka lang kami, bakit may pasang pulang-pula siya dito (bandang tenga at leeg). Sabi ng mister ko, parang kuwan ng ngipin. Apat na ngipin daw 'yan eh. Ang kumagat dito (leeg),” sabi pa ni Lyn.
“Aswang talaga ang tumira sa anak ko,” paratang ni Jobert sa kumitil ng buhay ng kanyang anak.
Panoorin kung bakit naniwala sina Lyn at Jobert na aswang ang pumatay sa kanilang anak sa pagtatampok na ito ng Kapuso Mo, Jessica Soho:
'KMJS': 'Yanggaw' sa Himamaylan, totoo nga ba?
KMJS: Ang misteryosong 'ghost ship' ng Siquijor