Showbiz News

StarStruck 7 alums Allen Ansay at Abdul Rahman, nasubukang umarte sa isang live radio drama

By Marah Ruiz

Sumabak sa isang live radio drama ang kapwa StarStruck 7 alums na sina Allen Ansay at Abdul Rahman sa pagbisita nila sa radio program na Bidang Bida sa Dobol B.

Nagbasa sila ng ilang linya mula sa Dear Baby Presents: Kahit Isang Saglit kung saan gumanap si Abdul bilang ang karakter na si Lando at si Allen naman ang gumanap bilang ang kanyang ama.

First time ni Abdul na masubukan ang live radio drama habang ito naman ang pangalawang beses para kay Allen.



Bukod dito, nag-promote din ang dalawa ng upcoming episode ng real-life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.

Ito ang pre-Lenten presentation ng #MPK na pinamagatang "A Mother's Faith" na iikot sa isang relihiyosang ina na masusubok ang pananampalataya dahil sa iba't ibang dagok na haharapin sa buhay.

Ang beteranang dramatic actress na si Glydel Mercado na gaganap bilang ang inang si Beth at sina Allen at Abdul naman ang dalawa sa kanyang apat na anak.

May magandang aral tungkol sa pananampalataya ang episode.

"Para sakin po, huwag po tayong basta-basta susuko. Manalig lang po tayo sa Diyos. Kahit ano man pong problema, basta pinagdasal mo 'yan kay God, ibibigay po 'yan sa'yo. Kung hindi man po ngayon, may tamang time," ani Allen.

Para naman kay Abdul, may maganda itong mensahe tungkol sa pagpapatawad at pagtanggap.

"Sometimes kasi in the heat of passion, marami tayong nagagawang mistakes. 'Yung character ko kasi sobrang passionate niya sa religion at sa pagiging perfect, parang nakalimutan na niyang irespeto 'yung sarili niyang kapatid. Parang sinakal na niya masyado na dapat ganito ka, ito 'yung tama, ito 'yung mali, 'yung ginawa mo mali, 'bat ganyan," aniya.

StarStruck 7 alum Abdul Rahman, gaganap bilang homophobic na binata sa '#MPK'



Abangan sina Allen at Abdul sa upcoming #MPK episode na pinamagatang "A Mother's Faith," ngayong February 22 pagkatapos ng Daddy's Gurl sa GMA.