Showbiz News

Gloc-9, sa aling hit rap songs sobrang kinabahan?

By Nherz Almo

Sa loob ng 23 taon sa music industry, ilang makabuluhang rap songs na ang pinasikat ng Pinoy rapper na si Gloc-9, o Aristotle Pollisco sa totoong buhay.

Ayon kay Gloc-9, madalas na inspirasyon niya sa pagsusulat ang kasalukuyang sitwasyon sa lipunan, tulad na lamang ng isa sa kanyang sumikat na obra, ang “Upuan,” na tinanghal na “Song of the Year” sa Awit Awards noong 2010.

“Noong time po kasi na sinulat ko 'yon, ako ay nagdu-duty sa public hospitals noong nag-aaral ako ng nursing,” pag-alala ni Gloc-9 sa panyam ng GMANetwork.com at iba pang entertainment media sa ginanap na launch ng Padi's Point Barkada Tour kamakailan.

Patuloy ng Pinoy rap icon, “Kapag ikaw ay nasa environment na katulad ng public hospitals dito sa Pilipinas, hindi ka mauubusan ng inspiration sa pagsulat mo ng kanta.

“Kapag pinakinggan mo ang album na Matrikula [2009], made-depress ka.

“Sobrang depressing 'yun, kaya ko rin po nasulat 'yung 'Upuan.'”

Bagamat madalas naiuugnay sa isyung pampulitika, nilinaw ni Gloc-9 na depende sa tagapakinig ang interpretasyon ng kanyang kantang “Upuan.”

Aniya, “kung pakikinggan ninyo, kailangan mo rin i-associate hindi lang sa nakaupo sa gobyerno.

“Pwede rin ito sa boss mo sa trabaho, sa isang malaking tao sa isang religious group, depende po talaga 'yan.

“Depende kung paano mo i-interpret ang pakikinggan mong materyal.”

Dagdag pa niya tungkol sa kanyang mga nilikhang kanta, “Depende po yan sa interpretation ng nakinig.

“Kapag sinabi sa song na ganito ang gawin mo and ginawa mo, I think, it's your decision.

“Kung ano ang interpretasyon mo sa awitin, sa 'yo 'yon.

“Parang yung maganda sa paningin ko ay pangit sa paningin ng iba, yung maganda sa paningin ng iba ay pangit sa paningin ko.”

Protégé alumna Lirah Bermudez still amazed by mentor Gloc-9

NERVOUS ABOUT “SIRENA.”

Pagdating sa pagsusulat ng kanta, masinsinang pinag-iisipan daw ito ni Gloc-9.

Paliwanag ng 42-year-old rapper, “Siyempre, iniisip din naming 'yon. Hindi lang naman kami kapag may isyu na ganito, 'Tara sulatin natin 'yan.'

“Halimbawa, kung merong isyu sa corona virus, hindi naman kami gagawa agad ng kanta na ang title ay 'Wash Your Hands.'

“Very sensitive po kami sa kung ano ang susulatin namin.”

Sa puntong ito, naalala niya ang panahon kung kailan unang inilabas ang isa pa niyang hit song, ang “Sirena” noong 2012.

“Noong ginawa ko yung 'Sirena,' doon ako pinakakabang-kaba, e,” pag-amin ni Gloc-9.

“Pero pinakanatatakot ako, ayaw kong maka-insulto ng nasa LGBT.

“Kaya noong day na na-release 'yon, pawis na pawis ang kamay ko at paa ko dahil hindi ko alam kung paano matatanggap [ng mga tao] dahil 'yon ay sa pananaw ko lang ginawa.”

Laking pasasalamat naman ni Gloc-9 dahil positibo ang naging pagtanggap ng mga tagapakinig sa “Sirena,” na naging “Song of the Year” din sa Awit Awards noong 2013.

“I'm very, very thankful,” ani Gloc-9.

“Sabi nga ni Sir Boy Abunda noong nag-appear siya [sa music video], 'Hindi lang yung sa simpleng oo o hindi noong nag-appear ako sa video mo. In-analyze naming nang mabuti 'yon.

“'Isang salita lang doon na hindi namin magugustuhan, hindi mo ako makikita sa video.'”

“Kaya I'm very thankful sa reception.”

Ngayong taon, isa na namang “powerful” song ang nai-release ni Gloc-9, kasama ang young singer na si Juan Karlos Labajo, ang “Sampaguita.”