Showbiz News

Sarah Lahbati at Richard Gutierrez, itinuloy ang kasal sa gitna ng COVID-19 pandemic

By Jansen Ramos

Sa kabila ng banta ng coronavirus, itinuloy nina Sarah Lahbati at Richard Gutierrez ang kanilang kasal kahapon, March 14.

Pinili na lamang ng longtime couple na ipagdiwang ang kanilang pag-iisang dibdib sa isang simpleng ceremony na dinaluhan ng kanilang pamilya at malalapit na kaibigan. Ito ay matapos i-postpone nila ang kanilang grand wedding, na sana'y gaganapin sa isang hotel sa Taguig City, dahil sa mabilis na paglaganap ng COVID-19.

Ilan lamang sa high-profile principal sponsors nina Sarah at Richard sina Pangulong Rodrigo Duterte, Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mga dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Joseph Estrada, Senate President Tito Sotto, Senator Manny Pacquiao at Jinkee Pacquiao, Senator Bato dela Rosa, Senator Cynthia Villar, Narvacan Mayor Chavit Singson, at Ormoc Mayor Richard Gomez at kanyang asawang si Ormoc Representative Lucy Torres-Gomez.

Kabilang din sa listahan ang GMA Network Chairman at CEO na si Atty. Felipe L. Gozon.

Sa kani-kanilang Instagram account, ipinost nina Sarah at Richard ang ilang larawan na kuha mula sa kanilang intimate wedding.

"I have you and it's enough. It's everything," bungad nila sa caption.

Humingi ng pag-unawa sina Sarah at Richard sa pagpapaliban ng kanilang grand wedding dahil prayoridad nila ang kapakanan ng kanilang wedding guests sa panahon ng pandemya.

"Friends and colleagues will have to wait because we care more about everyone's safety and health," paliwanag ng newlyweds.

Pinasalamatan din nina Sarah at Richard ang mga taong tumulong para sa ilunsad ang kanilang intimate wedding at maging ang kanilang pamilya at mga kaibigan.

Sambit nila, "We would like to thank Amanda Tirol, Gideon Hermosa, Teddy Manuel, Pat Dy, Bob Nicholas, Pastor John Ong, Monique, the wedding team, our dearest family and friends (especially those that flew in from different parts of the world) for understanding and for everything that you've done for us.

"Thank you @eventsbyamandatirol for all the hard work and love despite the wedding celebration postponement. We love you so much and we are so grateful to you and your team.

"Thank you @joeysamsonstudio for my suit."

Sa dulo ng kanilang post, nagpahayag sina Sarah at Richard ng ibayong pag-iingat sa publiko.

"Lord, heal the world...

"Let's spread love and kindness.

"Stay safe, everyone!!! #thistooshallpass

"Sending love and light to all. #MrAndMrsGutz," pagtatapos nila.

Taong 2017 na-engage sina Sarah at Richard.

Isinilang ng aktres ang kanilang panganay na si Zion noong April 2013.

Winelcome nila ang kanilang ikalawang anak na si Kai noong March 2018.