Showbiz News

Pokwang, namahagi ng sandwich bilang tulong sa mga pulis at sundalo na naka-duty sa checkpoint

By Jansen Ramos

Nagpaabot ng tulong ang komedyanteng si Pokwang sa ilang pulis at ilang sundalo na naka-destino sa checkpoint sa borders ng Metro Manila sa ikalawang araw ng pagpapatupad ng community quarantine, sanhi ng paglaganap ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Sa kanyang simpleng pamamaraan, gumawa siya ng tuna sandwiches para sa mga uniformed personnel ayon sa kanyang Instagram post.

"Goodmorning.... pa tuna sandwich po para sa ating mga pulis, sundalo sa checkpoint," sulat niya sa caption.

Ani pa ni Pokwang, magbabahagi rin siya ng tulong sa ilang health workers tulad ng mga doktor at nurse na front liners sa pagsugpo ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa hiwalay na post, nagbigay pugay siya sa healthcare professionals sa pamamagitan ng pag-repost ng isang 'thank you' art card mula sa Department of Health na may mga salitang, "Sa ating mga butihing health workers...Kayo ang tunay na mga Bayani! Maraming Salamat po!"

Dahil sa kanyang pananampalataya, nananatiling positibo si Pokwang na matatapos din ang pandemya.

"'Wag mawalan ng pag-asa matatapos din ito. kapit lang mahal kong kababayan. Lord Jesus will cover us with his holy blood trust in him lang," sabi niya sa kanyang unang post.

Ipinaalala rin ni Pokwang sa kanyang followers na manatili na lang muna sa bahay para sa kapakanan ng kanilang kapwa at mahal sa buhay.

"PAALALA: MANAHIMIK KA SA BAHAY PARA SA IKABUBUTI NG MGA MAHAL MO SA BUHAY AT NG BAYAN," diin niya.

Ayon sa latest report ng GMA News, 140 na ang bilang ng nag-positibo sa COVID-19, kabilang ang 12 namatay.