Showbiz News

Jennylyn Mercado, kinondena ang VIP treatment sa COVID-19 testing

By Jansen Ramos

Nagpahayag ng kanyang opinyon si Jennylyn Mercado hinggil sa VIP testing para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na malaking isyu ngayon sa bansa.

Jennylyn Mercado

Ito ay matapos kumalat sa social media ang pagsiwalat ng isang Research Institute for Tropical Medicine worker tungkol sa mga politiko at kanilang pamilya at staff na prayoridad sa COVID-19 testing.

Hiling ni Jennylyn sa gobyerno na mag-provide ng maraming test kits sa mga ospital at iba pang medical facilities para mas marami ang makinabang dito.


"Hindi po kami magsasawang uliting sabihin na sana dumami na ang mga test kits na ipapamahagi ng ating gobyerno sa medical community para mas madaming ma-test na nangangailangan nito," mungkahi ng Descendants of the Sun actress na gumaganap bilang doktor sa serye.

Panawagan pa ni Jennylyn na sumunod sa guidelines ng COVID-19 testing kung saan prayoridad ang mga taong may sintomas ng virus at hindi ang mga VIP na ginagamit ang kanilang kapangyarihan para sa kanilang sariling kapakananan.

Paalala niya, "At habang limited pa ito, lahat sana ay sundin ang guidelines. No one is exempted. Pantay-pantay po tayo. Muli po naming pinapaala doon sa mga taong may power o pribilehiyo na maging “VIP” na 'wag ninyo unahin ang inyong pangpersonal na interes."

Matapang pa niyang dugtong, "Ang test kits ay hindi para sa mga mayayaman o VIP, kung 'di para sa may mga sakit. 1 Test Kit = 1 Life."