
Salamat sa iba't ibang donors, nakapag-donate ang GMA Kapuso Foundation ng gloves at face shields sa ilang mga pampubklikong ospital na lumalaban sa COVID-19.
Kabilang dito ang Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital, Rizal Medical Center at Jose Reyes Memorial Medical Center.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa paghahatid ng supplies na ito ang Joint Task Force-NCR ng Philippine Army at Wilcon Depot Inc.
Nagpasalamat naman ang mga ospital sa mga donors at sa GMA Kapuso Foundation para sa mga natanggap na supplies.
"Salamat po sa inyong patuloy na suporta at dasal para sa ating mga healthcare workers. Kapag tulung-tulong po tayo, tayo po ay makakalagpas sa COVID-19 pandemic," pahayag ni Dr. Cynthia Versoza, Public Information Officer of Incident Command System ng Jose Reyes Memorial Medical Center.
"Sa ngalan po ng Rizal Medical Center, kami po ay taos-pusong nagpapasalamant po sa nagbibigay ng donasyon sa public sector, sa private sector at sa GMA Kapuso Foundation na nagbibigay tulong po sa amin at nagbibigay ng suporta. Dahil kung wala po ito ay kami po ay talagang mahihirapan," pahayag namani ni Dr. Vincent Moderes, Chairman of Department of Emergency Medicine ng Rizal Medical Center.
"On behalf of our director Dr. Imelda Matteo ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center, kasama ng lahat ng frontliners at healthworkers ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center, ay taos puso po kaming nagpapasalamat sa GMA Kapuso Foundation for choosing us to be one of the beneficiaries ng lahat ng tulong na ibinigay niyo sa amin," pahayag naman ni Dr. Marie Cheantal Sunga, Disease Surveillance Officer ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
Sa kabuuan, 21,000 pares ng rubber gloves at 700 pieces ng reusable face shields na naipamahagi ng GMA Kapuso Foundation.
Patuloy itong lumilikom ng pondo para mga medical supplies na ihahandog sa mga COVID-19 frontliners at sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng kampanyang "Labanan Natin ang COVID-19." Kasama na rin dito ang pagbibigay ng grocery packs para sa mga pamilyang hindi makapaghanap-buhay dahil sa enhanced community quarantine.
Maaaring mag-donate sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang official website.