Showbiz News

Anak ni 'Fallen Hero' Dr. Marcelo Jaochico, may hiling sa publiko

By Dianara Alegre

Si Dr. Marcelo Jaochico, Provincial Health Officer ng Pampanga, ang ikalimang doktor na pumanaw dahil sa 2019 coronavirus disease (COVID-19).

Binawian ng buhay ang isa sa mga tinaguriang unang Doctor to the Barrio nitong Martes (March 24) matapos makipaglaban sa COVID-19.

Dahil sa pagmamahal ni Dr. Marcelo sa mga residente ng Pampanga, hindi niya itinigil ang pag-iikot sa mga lugar para bigyan ng konsultasyon ang publiko. At dahil dito, mahirap nang matukoy kung kanino nakuha ng tinaguriang "Fallen Hero" ang virus.

Samantala, nang kapanayamin ng 24 Oras, hiniling ni Cielo Joachico, anak ni Dr. Marcelo, na huwag lamang alalahanin ang ama bilang ang doktor na pumanaw sa virus kundi bilang ang medical frontliner na naging masigasig sa pagtulong sa mga nangangailangan.

“Nu'ng una, in denial talaga siya. 'Pag tinatanong namin kung kumusta na siya, lagi niyang sinasabi na okay lang siya.

Mabilis po talaga siya (virus). As in 'di kami nabigyan ng chance makausap siya nang maayos kasi we took it for granted e, 'yung time na 'yun. 'Di namin akalain na mayroon na pala siya,” aniya.

Nakaranas ng lagnat, nagka-fatigue at diarrhea si Dr. Marcelo hanggang sa nagkaroon na siya ng mga kumplikasyong dulot ng coronavirus disease.

Nakarating lamang ang balita ng kanyang pagpanaw sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng isang Viber message. Pumanaw nang mag-isa si Dr. Marcelino dahil kasalukuyang naka-quarantine ang panganay niyang si Cielo habang nagtatrabaho naman bilang nurse sa ibang bansa ang asawa niya.

“Wala po siyang kasama. Tapos 'yung pinaka-masakit po du'n, umasa rin kami na gagaling talaga siya. Nu'ng time po na 'yun, naka-isolate ako ang hirap po sobra na marinig nang ganu'n na mag-isa ka lang.

“'Di kami nagkaroon ng maayos na burial, e. Walang libing tapos ngayon imposibleng mag-lamay din kasi nandito ako, watak-watak kami so walang eulogies na narinig,” dagdag pa ni Cielo.

Sa madamdaming tribute para sa kanyang ama na ipinost niya sa Facebook, hiniling ni Cielo sa publiko na alalahanin ang kanyang ama hindi bilang ang doktor na binawian dahil sa COVID-19, kundi ang dakilang doktor na nagsakripisyo ng sarili para makatulong sa kanyang kababayan.


“Gusto ko matandaan siya sa kung paano 'yung naging contribution niya sa health sector, since doon niya dine-dicate 'yung buhay niya, e,” sabi pa niya.

Si Dr. Marcelo ang isa sa mga unang rumesponde sa mga kaso ng COVID-19 sa Pampanga bilang health chief ng lalawigan.

Naging parte si Dr. Marcelo ng Doctors to the Barrior program ng Department of Health noong 1990s, kung saan siya ay naging “all-around” doctor sa Apayao, bago nagsilbing provincial health officer ng Pampanga noong 2013.

Panoorin ang buong ulat ng 24 Oras:

Kris Bernal prays for Iza Calzado as she battles pneumonia

Heart Evangelista mourns the death of veteran actor Domingo "Menggie" Cobarrubias