Showbiz News

Ruby Rodriguez at Anjo Yllana, may opinion kung obligasyon ba ang pakikipagtalik sa asawa

By Racquel Quieta

Kasama na sa buhay mag-asawa ang pagtatalik o lovemaking.

Isa ito sa mga paraan upang lalong tumibay ang pagsasama ng mag-asawa.

Ngunit paano kung mayroong sex addiction ang iyong asawa? Obligado ka pa rin bang pagbigyan siya?


Sina Ruby Rodriguez at Anjo Yllana sa Ilaban Natin 'Yan

Ganito ang problema ng mag-asawang sina Karen at Christopher, at tampok ang kanilang kuwento sa Ilaban Natin 'Yan episode ngayong Sabado na pinamagatang "Hayok."


Ruby at Anjo bilang sina Karen at Christopher

Ayon kay Karen, may sex addiction ang mister niyang si Christopher. At sa tuwing hindi niya ito napagbibigyan ay sinasaktan daw siya nito.

Depensa naman ni Christopher, may ibang dahilan daw kaya tumatanggi sa kanya si Karen. Mayroon daw itong ibang karelasyon kaya nanlalamig ito sa kanya.

Sa dramatization ng "Hayok" episode, sina Eat Bulaga Dabarkads Ruby Rodriguez at Anjo Yllana ang gaganap bilang Karen at Christopher.

Kaugnay nito, nagbigay sila ng opinyon tungkol sa sex addiction at marriage.


Obligasyon ba ang sex sa marriage?

Ayon kay Anjo, parte ito ng obligasyon ng mag-asawa ngunit hindi pa rin dapat ipilit kung ayaw ng isa.

Aniya, “Obligado ang misis na makipagtalik sa mister sapagkat isa 'to sa mga kailangan gampanan bilang asawa, lalaki man o babae, ngunit hindi nangangahulugan na kahit wala sa mood o walang gana, e, obligado pa rin siya magpatalik.

“Kapag ayaw ng asawa, para sa akin, kailangan ipaliwanag lang niya nang maayos o klaro na makikipagtalik din siya at magbibigay siya ng panahon o petsa.

Kunwari, next week or end of the month o next month na lang, nang sa ganun, hindi iisipin na asawa na ayaw na niya makipagtalik.”

Si Ruby naman naniniwalang hindi dapat ipinipilit ang sex kahit mag-asawa na kayo, at lalung-lalong hindi dapat nananakit kapag hindi napapagbigyan.

Paliwanag ni Ruby, “Making love is never an obligation kaya nga making love ang tawag. Abuso na 'yon 'pag may pananakit. Wala nang respeto (kapag ganun).”

Ano ang dapat gawin ng mga misis na sinasaktan kapag tumatanggi kay mister?

Dating konsehal ng 5th district ng Quezon City si Anjo at marami na raw ang dumulog sa kanya na ganito ang problema.

Kuwento ni Anjo, “Marami akong alam na ganitong sitwasyon sa mag-asawa, pero hindi naman ako eksperto kaya pinapapunta ko sila sa barangay para tumulong at kumausap sa kanila.

"Dahil isa naman talaga ito sa kailangang gampanan ng barangay, [ang mamagitan sa] mga away sa loob ng tahanan o away ng mga magkakapitbahay.”

Samantala, hinihikayat naman ni Ruby na huwag hayaan ng mg misis na saktan sila ng kanilang mga mister kapag tumatanggi silang makipagtalik.

Sabi ni Ruby, “Do not allow it!!! Never! There are always people you can run to for help!”


Advice for those with sex addiction

Para kay Anjo, hindi agad-agad na hiwalayan ang solusyon sa problema ng sex addiction sa isang marriage.

Aniya, “Kapag ayaw na talaga ng asawa makipagtalik at gusto pa ng partner niya, ay problema nga 'yan.

"Siguro dapat magpa-marriage counseling muna sila, baka sakaling maayos pa.”

Payo naman ni Ruby sa mga hayok sa pakikipagtalik, “Magpatingin kayo sa doctor o espesyalista.

"Kaya addiction ang tawag diyan dahil hindi ito maganda sa sarili mo at sa mga taong biktima nito.”

Panoorin ang natatangging pagganap nina Ruby Rodriguez at Anjo Yllana sa "Hayok" episode ng Ilaban Natin 'Yan ngayong Sabado, April 4, alas-kwatro ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.