
Nag-self quarantine si Kapuso actor Ken Chan matapos makasalamuha ang aktres na si Sylvia Sanchez na nagpositibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Sa panayam sa aktor ni Kapuso reporter Nelson Canlas ay inihayag ni Ken na kasalukuyan siyang nagse-self quarantine makaraang makatrabaho ang beteranang aktres nitong March.
Inamin din ng aktor na nakararamdam siya ng ilang sintomas ng sakit.
“Kasi ako po, ngayon nakakaranas ako ng dry cough. Tapos may mga fatigue din po ako na nararamdaman ngayon pero hindi naman po ako nilalagnat.
“Pero siyempre kinakabahan po ako. Sabi po sa 'kin ng magulang ko, 'wag daw po muna ako lalabas ng kuwarto ko. 'Wag daw po muna ako lalabas ng bahay,” aniya.
Ngunit bilang pag-iingat, inihahanda na umano ng pamilya ni Ken kung ano ang mga maaari nilang gawin sakaling lumala ang kanyang mga nararamdaman.
“Inoobserbahan ko po talaga kung ano po 'yung mangyayari sa akin, sa mga magulang ko. Hindi pa po ako sigurado kung ano ba talaga 'yung nangyayari sa akin pero kung anuma't anuman po ang mangyari, ready naman na po kami. Nakapagplano naman po kami kung ano man po 'yung gagawin namin,” dagdag pa niya.
Samantala, ibinahagi ni Ken na malapit niyang kaibigan ang pamilya Atayde at makailang beses na umano rin niyang kinumusta ang mga ito.
“Tinext ko po 'yung daughter nila (Sylvia at asawang si Art Atayde) na si Ria Atayde na kaibigan ko rin po. Sabi naman po nila, mabuti naman po sila. Sila po 'di sila naapektuhan ng COVID-19. Ngayon po patuloy silang nagpapagaling,” aniya.
Matatandaang kinumpirma ni Sylvia nitong April 1 sa pamamagitan ng Instagram na nagpositibo siya at ang kanyang asawa sa coronavirus disease.
Panoorin ang buong 24 Oras report:
Ken Chan believes prayer is the most effective shield against COVID-19
Ken Chan sheds tears during his #HealingHearts fundraising concert