Showbiz News

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa isang Muslim-Christian community

By Marah Ruiz

Naghatid ng tulong sa 2,600 katao sa isang Muslim-Christian community sa Meycauayan, Bulacan ang GMA Kapuso Foundation.

Tugon ito sa mensahe ni Michael Garmor, presidente ng Meycauayan Muslim and Christian Alliance Inc., na humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation para sa mga miyembro ng pamayanan na naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang kabuhayan.

Namahagi ng frozen chicken packs at fully loaded Kapuso grocery packs sa komunidad ang GMA Kapuso Foundation, katuwang ang 48th Infrantry Battalion at 7th Infrantry Division ng Philippine Army.

Naging posible naman ito dahil sa patuloy na suporta at donasyon ng Ajinomoto Philippines Corp., Kopiko, Lucky Me! at CDO Karne Norte.

Patuloy ang GMA Kapuso Foundation sa paglikom ng pondo para mga medical supplies na ihahandog sa COVID-19 frontliners at sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng kampanyang Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19.

Kasama na rin dito ang pagbibigay ng grocery packs para sa mga pamilyang hindi makapaghanapbuhay dahil sa enhanced community quarantine.

Maaaring mag-donate sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang official website.