Showbiz News

EXCLUSIVE: Mark Herras, bakit nga ba nagsimulang mag-TikTok?

By Felix Ilaya

Naging usap-usapan online ang OG Bad Boy of the Dance Floor na si Mark Herras nang mag-trending ang kaniyang TikTok videos sa Twitter.

Sa exclusive interview ng GMA Network kay Mark, ikinuwento niya kung papaano ba siya nagsimulang mag-TikTok at kung sino ang nag-introduce sa kaniya sa app na ito.

Aniya, "Unang-una, 'di ko ginawa 'yung mga TikTok videos ko to go viral or trending. Actually si Nicole (Donesa) ang may kasalanan kung bakit ako may TikTok kasi nakita ko siya.

"Sabi ko, 'Ano ba 'yang ginagawa mo?' I've heard of TikTok before pero hindi naman ako nahilig. I tried it, downloaded it sa phone ko and I think my first TikTok video was around January this year."

Ang girlfriend ngayon ni Mark, ang Kapuso actress na si Nicole Donesa, ang siyang nag-engganyo sa kaniya upang gumawa ng TikTok. Ngayon, aminado si Mark na mas mahilig na siyang mag-TikTok ngayon kaysa kay Nicole.

"Ang ending, siya na 'yung nagsasabi ng 'Teka, sabi mo noon ang baduy-baduy niyan.' Eventually, ako na 'yung mahilig mag-TikTok. Bumili pa nga ako ng ring light," kuwento niya.

Malaki naman ang pasasalamat ni Mark kay Nicole sa pag-introduce sa kaniya sa video-sharing app na ito. Dahil sa TikTok, muli daw nanumbalik ang hilig ni Mark sa pagsasayaw.

"Siguro kaya ko siya na-enjoy kasi doon sa pagsasayawa talaga. I'm very thankful nga actually to Nicole and sa TikTok kasi kung hindi dahil dito, hindi ulit ako mahihilig mag-sayaw.

"Hindi ko naman siya kinalimutan as my first passion, medyo nawala lang kasi doon sa flow.

"At first, ginaya ko lang muna 'yung mga madadaling sayaw tapos eventually, 'pag nakakarinig ako ng song na nasayaw ko before o music na talagang nakakaindak, sasayawin ko siya in a way na alam ko and post it on TikTok," ayon kay Mark.

Kamakailan lang ay hiniling ni Mark sa kaniyang followers na itigil ang pagkukumpara sa kaniya sa ibang dancers gaya na lang ng sikat na sikat ngayong si DJ Loonyo. Sa katunayan nga ay hanga si Mark sa narating ni DJ Loonyo ngayon.

Sa kasalukuyan ay nag-e-enjoy si Mark sa paggawa ng mga dance videos online at sa pagbibigay saya sa kaniyang followers sa TikTok.