Showbiz News

Gladys Guevarra at Boobsie Wonderland, sinariwa ang masasayang alaala sa Zirkoh at Klownz

By Cherry Sun

Nagbalik-tanaw sina Gladys “Chuchay" Guevarra at Boobsie Wonderland sa kanilang masasayang alaala sa Zirkoh at Klownz kasunod ng balita ng tuluyang pagsasara ng comedy bars na pagmamay-ari ni Allan K.

Parehong tumanaw ng utang na loob sina Gladys at Boobsie sa pagkakaroon ng entablado para sa kanilang komedya sa Zirkoh at Klownz.

Para kay Gladys, naging saksi ang naturang comedy bars sa lahat ng kanyang naging pinagdaanan.

Pinaghalong masaya, malungkot o mapait man ang kanyang naranasan, nagpapasalamat siya sa lahat ng kanyang nakasama at lahat na oportunidad na natanggap dahil dito.

Bahagi ng kanyang post sa Facebook, “Lahat na. Halo halo na dyan. Isipin niyo na lahat, naganap (sic) dyan. Utang, ismiran, plastic-an. Tawanan, mahalan, awayan, tarayan, parinigan, buweltahan. Sa isang bahay, hindi naman mawawala yan.

"Pero maka ilang taon din akong nag pasko na wala ang sarili kong Pamilya at itong pamilyang ito ang kasama ko. Maraming Salamat sa inyong lahat.”

Magsasara man ang lugar kung saan nakilala niya ang kanyang mga kapwa komedyante at kaibigan, nananatiling positibo si Gladys sa kanilang pakikipagsapalaran sa kabila ng banta ng COVID-19.

Patuloy niya, “Salamat Boss Allan K. Thank You Mamalits Lito Mamalits Alejandria . . . Thank you sa 18 years na makulay at puno ng buhay.

"Sana hindi dito matapos lang ito, sana ay manatili ang pagkakaibigang nabuo nating lahat dyan.

"Pero ganun pa man nga, bago pa ang pagpapaalam na ito, sinimulan na nating lumaban, dahil nga sa pandemiya.

"Sabi nga nating lahat, tuloy ang pakikipaglaban natin sa buhay! Laban pa mga kapatid. Walang titigil. God be with all of us. Stay healthy everyone. Fight!”


Nananatili ring puno ng pasasalamat at pag-asa si Boobsie. Diin pa niya, dahil sa tiwalang ibinigay ni Allan K ay nabigyang-buhay ang kanyang karakter.

Bahagi ng sulat niya, “Nakakalungkot mang isipin, pero ganun talaga ang buhay... hindi akalain ng dahil sa virus na kinatakutan at pumatay ng ibo-libong tao.

"Maraming pinalungkot, ginutom, sinira at winasak na pangarap!

"Pero ang lahat ng ito ay pagsubok lamang! Kung gaano tayo latatag.

"Maraming salamat my Klownz and Zirkoh family, lalong lalo na sa'yo boss Allan K. Kung di dahil sa pagtitiwala mo sa kakayanan ko hindi ako magiging si Baby Boobsie Wonderland.”