Showbiz News

Magsasakang apektado ng pandemic, tinulungan ng GMA Kapuso Foundation

By Marah Ruiz

Nakabalik na sa pagsasaka ang ilang mga magsasaka sa Tarlac ngayong nasa ilalim na ng general community quarantine ang probinsiya.

Kabilang dito ang mag-asawang senior citizens na sina Mila at Rolando Capit, na dalawang beses kada taon kung magtanim at mag-ani ng palay.

Sampung libong piso ang naiuuwi nila kada ani at kailangan nila itong pagkasyahin sa loob ng anim na buwan.

Bukod dito, kailangan pa nilang magbayad ng inutang sa kooperatiba na ginamit nilang pambili ng binhi at pesticide.

Katulong nila sa gastusin ang dalawang anak na construction worker pero dahil sa lockdown, apektado din ang mga trabaho ng mga ito.

Kabilang sina Mila at Rolando sa 1,400 tao sa Tarlac na hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation.

Hinandugan sila ng GCQ family packs na may hotdog, tinapay, at frozen chicken packs.

Lubos naman ang pasasalamat ng GMA Kapuso Foundation sa Jollibee Group sa patuloy na suporta.

Katuwang pa rin ang 7th Infantry Division at 3rd Mechanized Infantry Battalion ng Philippine Army, pati na ang Tarlac City PNP sa pamamahagi.

Sa mga nais pang mag-abot ng tulong, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.