Showbiz News

Jon Lucas, inakalang pagod lang ang COVID-19

By Jansen Ramos

Isa si Jon Lucas sa mga nabiktima ng COVID-19 at kalaunan ay gumaling din matapos sumailalim sa medikasyon nang ilang araw sa New Era General Hospital sa Quezon City.

Sa katunayan, nakapag-host kaagad siya ng isang TikTok dance tutorial sa pamamagitan ng Facebook livestream ng Descendants of the Sun.

Naging daan din ito para maibahagi niya sa kanyang fans ang kanyang pinagdaanan matapos magpositibo sa COVID-19.

Sa Q&A portion, inamin ng Kapuso actor na hindi niya inaasahang tatamaan siya ng sakit dahil inakala niyang pagod lang ang kanyang naramdaman.

"Ang totoo po n'yan, 'di ko po masabi kung tayo po ay natamaan o nagkaroon, pero may pagkakataon po talaga dito sa bahay ay nakakaramdamn tayo ng konting lagnat, ng ubo at sipon.

"Pero ang iniisip ko na lang kasi noon na baka dala lang din ng pagod kasi kahit naman na nasa bahay lang tayo may pagkakataon na nagwo-workout tayo lagi, tapos ako minsan ang namamalengke, gano'n, kaya baka fatigue lang o napagod lang po," kwento niya.

Papagaling na si Jon sa COVID-19 nang malaman niyang siya ay positibo sa sakit kaya naman lubos ang pagpapasalamat niya sa Diyos.

"Sa awa ng Diyos, maayos na maayos na po ang aking kalagayan dahil ako po ay nag-negative po sa first swab test.

"Kaya nagpapasalamat ako sa Diyos at nabawasan po ang aking aalahananin."

Lalong tumindi ang pananampalataya ni Jon matapos siyang maka-recover kaya, bilang pasasalamat sa Maykapal, minabuti niyang magbahagi ng pag-asa at inspirasyon sa mga taong biktima rin ng nakakahawang sakit.

Sambit ng devout Iglesia Ni Cristo, "Alam naman natin na wala namang pinakamahalaga dapat sa ating buhay kung 'di ang ating Panginoon Diyos na nagbigay ng ating buhay at lakas at pinakadahilan kung bakit tayo nakakatanggap ng mga biyaya sa araw araw.

"Kaya gusto ko rin ipamahagi sa mga tao na kung ano 'yung pagkakilala ko sa Diyos, kung ano 'yung pananampalataya ko lalo ngayon sa panahon nating kung kailan maraming kinakapos, maraming pinanghihinaan ng loob, maraming dumadaan sa kahirapan.

"Kaya, minsan, sa pamamagitan ng ating pagpo-post sa social media about kay God, about sa pagtulong ng Diyos, ay na-a-uplift natin sila.

"Nabibigyan natin sila ng bagong pag-asa, nabibigyan natin sila ng malakas na loob para magpatuloy pa sa buhay na 'to at para 'di sila sumuko, ano man ang mga pagsubok na masasagupa nila.

"'Yun naman ang goal natin dito sa mundo na para tayo ay makatulong sa ating kapwa, hindi lamang sa materyal na bagay, higit sa lahat, sa pananampalataya sa Diyos."