Showbiz News

Teri Onor, emosyonal na nanawagan ng dasal para kay Kim Idol

By Dianara Alegre

Nanawagan ng dasal ang komedyanteng si Teri Onor para sa ikagagaling ng malapit niyang kaibigan at kapwa komedyante na si Kim Idol. Isinugod sa ospital si Kim nitong Miyerkules, July 8, dahil sa komplikasyon na brain ateriovenous malformation (AVM).

Ang brain arteriovenous malformation ay pagkakabuhol ng mga blood vessel na konektado sa arteries at ugat sa utak. Nakaaapekto ito sa wastong pagdaloy ng oxygen dito.

“May sakit na siya actually. Ilang taon na siya du'n sa AVM niya, 'yung sa brain niya, bale may affected du'n sa brain niya tapos lumalala,” ani Teri.

Matatandaang 2015 unang nabalita ang rare medical condition ni Kim kung saan nagkaproblema sa pagdaloy ng dugo sa kanyang utak.

Ayon sa post ng ina ni Kim na si Maria Taniegra Argente, inatake sa trabaho si Kim na noon ay nagboluntartyo bilang frontliner laban sa COVID-19.

Ina ni Kim Idol, nanawagan ng dasal para sa kritikal na kondisyon ng komedyante

Hindi naman mapigilan ni Teri na maging emosyonal sa kalagitnaan ng interview sa kanya ni showbiz reporter Nelson Canlas para sa 24 Oras.

Labis na nagdadalamhati si Teri para sa sitwasyon ni Kim na aniya ay itinuturing na niyang kapatid.

“Para kaming magkakapatid, kaming apat. Si Wally, Pooh, ako, si Kim. Para kaming magkakapatid na nag-aaway-away, nagkakatampuhan. Kami ang magkakasama nu'ng nangangarap kaming maging artista,” sabi pa niya.

Dasal ang hiling ni Teri mula sa publiko para sa paggaling ni Kim.

IN PHOTOS: Pinoy celebrities na may rare medical conditions