Showbiz News

Liza Diño at Celine Pialago, naglabas ng saloobin tungkol sa MMFF controversy

By Dianara Alegre

Nagbigay ng pahayag sina Film Development Council (FDCP) Chair Liza Diño at Metro Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago tungkol sa kontrobersya sa Metro Manila Film Festival (MMFF), na pinamamahalaan ng MMDA.

Ayon sa ulat ng 24 Oras, may natanggap umanong sulat ni Liza mula kay MMDA Chairman Danny Lim na nagsasabing na wala na siya sa executive committee ng MMFF, bagay na hindi nagustuhan ng una.

Liza Diño at Celine Pialago / Sources: @celinepialago ; @lizadino

“Very offended and very disappointed kasi the wordings…it was a very strongly-worded document.

"Bilang ahensya din at ang nirerepresenta ko ay isang institusyon, hindi rin maganda na nakapa-personal nu'ng atake,” ani Liza.

Samantala, nagpahayag din ng saloobin tungkol dito si MMDA Asec. Celine sa pamamagitan ng isang Facebook post.

Aniya, nagla-lobby umano si FDCP Chair Liza na mapunta sa FDCP ang pamamahala sa MMFF.

“Nakatanggap po tayo ng ganitong letters na nagla-lobby po na malipat ang kapangyarihan ng MMFF sa FDCP.

"Normal lang po ang reaksyon ko na ipagtanggol po ang aming ahensiya. 'Yun lang naman po. Hindi ko naman po pinepersonal si Ms. Liza Diño.

"Hindi ko po pinepersonal ang FDCP,” pahayag ni Celine.

Samantala, hindi personal na magkakilala sina Liza at Celine ngunit sa kabila ng giriang ito, umaasa pa rin ang una na magkausap sila ni Celine tungkol sa isyu.

“Sana magkita kami. Alam ko beauty queen siya, so, baka may commonality du'n. At some point in my life naging beauty queen ako. So, sana makapag-usap kami,” ani Liza.

Handa naman umanong makipag-usap si Celine kay Liza.

“Wala pong problema du'n. Ang tingin ko naman po kay Ms. Liza Diño ay isa na ring kaibigan at kasamahan po sa gobyerno.

"Sinu-sino naman po ba ang magtutulungan kundi kami-kami lang,” sabi naman ni Celine.

Ayon naman kay MMFF Spokesperson Noel Ferrer, ang papalit kay Liza ay isa sa mga respetadong personalidad sa entertainment industry.

“One of them is a major major…very respected member of our industry.

"We're giving that person the letter today para naman hindi sa social media niya malaman na na-appoint siya pero tomorrow [July 29] we'll make an announcement,” ani Noel.

Binanggit din niya na wala pang kasiguraduhan kung ano ang magiging sitwasyon ng MMFF ngayong taon dahil sa 2019 coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

“We're preparing pero kung tatanungin mo ako kung anong mangyayari sa parade, anong mangyayari sa promo, anong mangyayari sa screenings, it will all depend on the health protocols. It will all depend on what our situation will become that time come December,” dagdag pa ni Noel.