Showbiz News

Michael V. shares update on his health after being diagnosed with COVID-19

By Cara Emmeline Garcia

Unti-unti na raw gumagaling si Michael V. matapos niyang ibalita na nagpositibo siya sa coronavirus noong Hulyo 20 sa kanyang vlog.

Kuwento ni Bitoy kay 24 Oras reporter Nelson Canlas, bumabalik na ang kanyang pang-amoy at unti-unting gumagaan ang pakiramdam.

Saad niya, “'Yung pang-amoy 'yung nakakatawa kasi may pang-amoy na ako pero hindi pa rin siya 100 percent.

“Nung isang araw nagluluto 'yung kasambahay namin and naamoy ko from this room. Pero, nung sinerve na sa akin, hindi ko na siya maamoy. So, magulo talaga!”

Payo ng multi-awarded comedian na walang pinipiling tao ang COVID-19 kaya naman mabuting magpa-test kaagad kung may nararamdamang kakaiba sa katawan.

Dagdag pa niya, “Isa sa mga pangunahing contributor ng COVID-19 is 'yung stress talaga, e.

“Dapat 'pag nakaramdam ka na, kung may symptoms ka, kung nagpa-test ka at nag-positive ka, dapat gumawa ka ng paraan para hindi ka ma-stress during the time na naka-quarantine ka.”

Sa ngayon, kinukumpleto na lamang ni Michael V. ang kanyang 14-day quarantine at 'pag nag negatibo na raw ang kanyang test ay plano nitong mag-donate ng plasma o “liquid gold” para sa mga taong may mas malubhang kaso ng COVID-19.

“'Pag naka-complete na ako ng 14 days, I think the responsible thing to do is just that, mag-donate para makatulong sa ibang kababayan natin at makatulong sa siyensya.

“Sana kahit papaano ay may maiambag ang plasma ko, 'yung dugo ko, para makahanap ng gamot o lunas dito sa sakit na ito.”

Michael V. habang nagpapa-X-ray para alamin kung mayroon siyang pneumonia / Source: michaelbitoy (IG)

Ito ang kasalukuyang update sa kalusugan ni Michael V. matapos siyang ma-diagnose noong July 20.

Noong July 24, nagpost ang multi-awarded comedian at content creator sa kanyang Instagram ng isang selfie kung saan ibinahagi niya na siya ay nagpa-X-ray para alamin kung mayroon siyang pneumonia.

Bahagi niya, “May nakita silang pwedeng 'pagmulan' ng pneumonia pero hindi naman daw kailangan magpa-ospital.

“Niresetahan nila ako ng antibiotics at sinabihang sa bahay na lang ituloy ang pagpapagaling.

“Naka-self quarantine pa rin po ako para sa safety ng lahat ng nasa paligid ko.”