Showbiz News

Isang liblib na barangay sa Tanay, Rizal, hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation

By Marah Ruiz

Apektado pa rin ng lockdown na dulot ng COVID-19 ang hanapbuhay ng mga residente ng mga liblib na lugar.

Isa na rito ang Brgy. Mamuyao sa Tanay, Rizal kung saan luya ang pangunahing produkto.

Isa si Roselyn Separa sa mga nagtatanim at nagbebenta ng luya dito para maitaguyod ang kanyang siyam na anak.


"Minsan nakaani kami ng isang daang kilo. Naibebenta po namin. Ang halaga, 70 po. Basta po sa isang bentahan, kumikita kami ng P3,000," pahayag niya.

Pero dahil sa pademic, hindi nila maibenta sa ibang bayan ang ani dahil sa hirap ng transportasyon.

"Dito lang po namin naibebenta ang aming mga luya gawa nga ng takot po kami sa COVID-19. Kaya natitiyaga po kami dito kami [magbenta], hindi kami makalabas sa labas," paliwanag ni Roselyn.

Kabilang ang pamilya ni Roselyn sa 1,200 residente ng Brgy. Mamuyao na hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs bilang tulong.

Katuwang pa rin sa pamamahagi ang 2nd Infantry Division at 80th Infantry Battalion ng Philippine Army sa pamamahagi.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Delimondo.

Patuloy ang GMA Kapuso Foundation sa paglikom ng pondo para sa mga medical supplies na ihahandog sa mga COVID-19 frontliners at sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng kampanyang Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19.

Kasama na rin dito ang pagbibigay ng grocery packs para sa mga pamilyang hindi makapaghanap buhay dahil sa lockdown na hatid ng quarantine.

Maaaring mag-donate sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang official website.

Maaari din bumili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Zalora, o gumamit ng PayMaya para mag-donate sa GMA Kapuso Foundation.