Showbiz News

Glaiza de Castro, nagpasalamat sa good vibes na hatid ng ParoDivas

By Dianara Alegre

Sa tuwa ay napa-tweet si Encantadia star Glaiza De Castro ng "ISANG MALAKING MOOD" nang mapanood ang isang parody video ng hit Kapuso series na Encantadia. Gawa ito ng grupong tinaguriang ParoDivas.

Tampok sa naturang video ang paandar nilang "Bragais Tocotocoto" challenge habang nakasuot ng costume ng mga Sang'gre na sina Amihan, Alena, Danaya at Pirena.

Sa eksklusibong panayam ng 24 Oras kay Glaiza, ibinahagi ng aktres ang tuwa nang mapanood ang naturang parody video.

“Nagulat ako na sobrang effort 'yung pagkakagawa ng parody nila as in. tapos natuwa ako nu'ng pinabago nila 'yung music. Nakaka-good vibes talaga,” aniya.

Nagpasalamat din ang aktres sa grupo sa pagbibigay-saya lalo sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic.

“Parodivas, maraming maraming salamat sa good vibes na ipinarating n'yo sa amin. Nakakatuwa na naa-appreciate n'yo 'yung 'Encantadia,” dagdag pa niya.

Source: glaizaredux (IG) ; prodivas_ (IG)

Samantala, ayon naman sa ParoDivas, pinilit umano nilang gayahin kahit hanggang sa maliliit na detalye ang costume ng mga Sang'gre sa serye.

“Sa situation po natin ngayon, sobrang hirap maghanap ng materials and sa design naman po, tiningnan po namin ang mga pictures at the same time, pinanood po naming 'yung mga videos. Nakita po namin kung paano 'yung parang 360 degrees ng mga costumes. Pinilit po namin na maging accurate,” ani Ariel Tanjueco, isa sa ParoDivas.

Laking tuwa rin umano nila nang mapansin ang video ng kanilang idolo.

“Hindi naming in-expect na 'yung video record, ipo-post niya sa Twitter account niya. Ang saya lang po namin na napansin po kami ni Glaiza,” sabi pa ni Ariel.

Hindi ito ang unang parody video ng ParoDivas tungkol sa Encantadia, may on-going series sila ngayon tungkol sa groundbreaking Kapuso telefantasya.