Showbiz News

John Regala, nakausap na ang anak sa Amerika; hiniling na makalabas ng ospital

By Jansen Ramos

Masayang ibinalita ng veteran entertainment columnist na si Aster Amoyo na bumubuti na ang kalagayan ng action star na si John Regala, na kasalukuyang ginagamot sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) dahil sa liver cirrhosis.

Ayon sa Facebook post ni Amoyo noong Lunes, August 10, inaasahang malapit nang makalabas ng ospital si Regala.

"We're so happy sa malaking improvement ng health ng actor na si John Regala since he was rushed to the National Kidney and Transplant Institute (NKTI) late Tuesday afternoon.

"Although he can't stand and walk by himself yet, nakakaupo na siya at nakakain kahit pakonti-konti ng solid food.

"In a couple of days ay inaasahan na namin siyang up and about at puwede nang umuwi."

Kaugnay ng magandang balita, ibinahagi ni Amoyo sa parehong post na nakausap na ni Regala ang kanyang anak na si John Paul Kieffer o John Regala, Jr. sa dating asawang si Au Manansala. Parehong naka-base sa Amerika ang mag-ina.

Kalakip ng post ay isang nakangiting larawan ni Regala habang kausap via video call ang kanyang biological son.

Ani Amoyo, regular ang pakikipag-usap ni Manansala sa dating mister nang malaman ang kondisyon ng kalusugan nito.

"Au has been helpful to John when she learned of her ex-husband's health condition. She is also in touch with John regularly, practically everyday," ika ng entertainment writer.

"Our efforts to reconnect father and son paid off. Umiyak si John but he's very happy. God is amazing," sabi pa niya.

Samantala, sa panibagong post ni Amoyo, sinabi niyang hiniling ni John na makauwi na.

Ani Amoyo, "If we are to be followed, we wanted actor John Regala to stay in the hospital for a few more days but he insisted in checking out tomorrow and we have no choice but to give in to his request to go home.

"We have to admit that John is not a cooperative patient and we can only do so much.

"Praying that we are still able to continue helping him but we also have our own limitations."

Bukod sa liver cirrhosis ay mayroon ding gout at diabetes si John.

Ayon kay Chuckie Dreyfus, kailangang sumailalim ng batikang action star sa blood chemistry tests kada dalawang linggo para sa patuloy nitong paggaling.

Malaking pera ang kailangan ni John para matustusan ang kanyang pagpapagamot kaya naglunsad ng isang crowdfunding page ang mga kaibigan niya sa industriya.

Sa mga nais mag-donate, bisitahin lamang ang page na ito: https://gavagives.tech/campaign/please-help-john-regala

Sa ngayon, nakalikom na ito ng $957 o mahigit-kumulang Php 46,845.

Noong 2017, naging viral ang isang larawan ni Regala na walang malay sa labas ng isang supermarket sa Cavite.

Paliwanag niya noon, hinala niyang bumagsak ang kaniyang blood sugar level dahil sa diabetes.

Ngayong 2020, muling naging viral ang aktor matapos siyang makuhanan ng litrato ng isang netizen kung saan makikita siyang namayat at mag-isang nakaupo.