Showbiz News

3 Cinemalaya movies na pinagbibidahan ng Kapuso actresses, libreng mapapanood sa YouTube

By Aaron Brennt Eusebio

Bilang parte ng YouTube “Super Stream,” libre nang mapapanood ang Cinemalaya entries na Sana Dati (2013), Instant Mommy (2013), at Asintado (2014) sa YouTube channel ng GMA Network.

Mapapanood na ang 'Instant Mommy,' 'Sana Dati,' at 'Asintado' na pinagbibidahan ng tatlo sa mga mahuhusay na artista na sina Eugene Domingo, Lovi Poe, at Aiko Melendez sa YouTube channel ng GMA Network. / Source: imdb.com/GMA Artist Center

Sa 'Instant Mommy,' ginampanan ni Eugene Domingo ang dalawang-buwang buntis na nagtatrabaho bilang wardrobe assistant na si Bechayda at kung paano siya gumawa ng plano upang hindi siya iwan ng kanyang Japanese lover na si Kaoru (Yuki Matsuzaki).

Sa 'Sana Dati,' ginampanan ni Lovi Poe ang bride na si Andrea, na nakilala ang nakababatang kapatid ng dati niyang mahal na si Dennis (Paolo Avelino), na siya ring videographer ng kanilang kasal.

Bumida naman sa 'Asintado' sina Aiko Melendez, Jake Vargas, at Miggs Cuaderno bilang mag-iina na nasangkot sa bentahan ng ilegal na droga.

Binigyan si Jake ng Gold Remi Award bilang Rising Star sa 2015 WorldFest Houston sa Texas para sa kanyang natatanging pagganap sa pelikula bilang si Tonio.

Bukod riyan, mapapanood rin nang buo at libre ang tatlong pelikula na pinagbidahan ni Bossing Vic Sotto na 'Si Agimat at si Enteng Kabisote' (2010), 'Enteng Kabisote 10 & the Abangers' (2016), at 'Meant to Beh' (2017).

Pumunta lamang at mag-subscribe sa YouTube ng GMA Network upang mapanood nang libre ang mga pelikula at iba pang palabas.

LIST: Cinemalaya entries you can watch online