Showbiz News

Jennylyn Mercado at Dennis Trillo, nag-donate ng kahun-kahong essential supplies sa isang public hospital

By Jansen Ramos

Namahagi ang magkasintahang Jennylyn Mercado at Dennis Trillo ng kahun-kahong face mask, face shield, at sanitation supplies gaya ng alcohol at hand soap sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina. Ito ay ayon sa Facebook page ng Ultimate Star ngayong araw, September 11.

Makikta sa post ni Jennylyn na nag-iwan siya ng liham, kasama ng mga ipinadalang package boxes, para sa medical frontliners ng pampublikong ospital.

Ika ng Descendants of the Sun lead star sa liham, hindi sapat ang pasasalamat para matumbasan ang sakripisyo ng health care workers doon na tumutulong sa paghinto ng paglaganap ng COVID-19.

"Thank you so much for all the work you've been doing. Words can't express how thankful we all are for you. Without you, this war against COVID would have been over. We would have been defeated. You gave us a fighting chance. You saved so many lives. You are so tired and yet you continue," sulat ni Jen.

Humingi rin ng dispensa ang aktres sa mga manggagawa dahil hindi nila natatanggap ang karapat-dapat na kabarayang suporta sa ginagawa nilang trabaho.

"You deserve so much better than what you are given. I am sorry for that.

"You are worth more than what is given to you," aniya.

Isa si Jennylyn sa mga artistang bokal sa pagpapahayag ng pagkadismaya sa pinagdaraanan ng COVID-19 frontliners sa bansa.

Nitong Hulyo ay naki-dalamhati siya sa mga nurse sa Philippine General Hospital nang humiling sila ng mandatory COVID-19 testing at better work schedules na dapat daw ay kusang ibinibigay sa kanila.

“Nakakadismaya na kailangan pa talaga nila mag-demand sa mga bagay na dapat kusang ibinibigay sa kanila,” sabi ni Jen sa isang tweet.