Showbiz News

Lolit Solis, may wish para kina Mark Herras at Nicole Donesa

By Cherry Sun

Nagkomento si Lolit Solis kasunod ng pagbubuntis ni Nicole Donesa sa dati niyang alagang si Mark Herras.

Si Lolit ang unang talent manager ni Mark ngunit matapos ang ilang taon ay binitawan din niya ang Kapuso actor. At ngayong ipinagdadalang-tao ni Nicole ang kanilang unang anak ni Mark, hindi naiwasan ni Lolit na magpahayag ng kanyang hiling at opinyon.

Aniya, “Happy ako na mukhang settled na si Mark Herras ngayon Salve sa piling ni Nicole Donesa. Ibinalita niya na magkakaruon na sila ng baby, at sana ito na maging hudyat para magkaroon siya ng focus at drive sa buhay. Sana rin maging competitive na siya sa kanyang career, at maipakita sa production na isa na siyang seryosong actor. Ngayon higit sa lahat kailangan niya ang dibdiban trabaho para sa isang bagong buhay na haharapin niya.”

Nais daw ni Lolit na magtagumpay sa showbiz career ang kanyang dating alaga.

Patuloy niya, “Malayo na ang narating ng ibang kasabayan niya, malayo na ang hahabulin niya para man lang makapantay sa narating ng iba, pero hindi pa huli. Dahil iba na ang status niya, puwede narin na mas mature ang maging acting niya at character sa mga bagong project. Ipadama at ipakita niya na bagong Mark Herras na siya , focus, mature , professional. Wala siyang fallback na aasahan, showbiz lang ang puwede niyang trabaho , kaya dapat, maging masuwerte siya sa second wind ng kanyang career.

“Sana hindi siya ma struck, at manatiling Star parin lalo na ngayon magiging father na siya. Hindi kasi siya nag grow, he remained that way mula umpisa, growing older refusing to grow up. Sana iba na ngayon Mark Herras, ikaw na ang haligi ng pamilya na gusto mo ibuild, dapat focus na focus ka. Wish you luck, bagong daddy.”

Inanunsyo nina Mark at Nicole na sila ay engaged na rin noong Hunyo.